Una sa Balita

P1M ari-arian natupok sa warehouse

By
0 1,346

Natupok ang tinatayang isang milyong pisong halaga ng ari-arian makaraang masunog ang bodega ng isang commercial establishment kamakalawa ng hapon sa Parañaque City.

Base sa report ni Parañaque City Bureau Fire Protection Arson Chief Senior Inspector Wilson Tana, bandang alas-kuwatro nang hapon nang magsimula ang sunog sa bodega ng Kitchen Were na matatagpuan sa Queensway Avenue, Barangay Sto. Nino ng nasabing lungsod.

Nagsimula ang apoy sa dulong kanang bahagi ng warehouse sa ground floor nito na kung saan maraming nakaimbak na mga karton.

Nasunog ang bodega sa kasagsagan ng sale nito.

Sinabi ni Tana na isa sa kanilang tinitingnang sanhi ng sunog ay ang pagputok ng ilaw base sa pahayag ng ilang empleyado sa lugar.

Umabot ng ikatlong alarma ang sunog at bandang alas-otso nang gabi nang ideklarang fire out ng mga kagawad ng pamatay sunog.

Patuloy pa rin nagsasagawa ng mapping operation ang mga kagawad ng pamatay sunog at ina­alam ang sanhi ng sunog.