Una sa Balita

Negosyanteng Chinese pinatay ng mga trabahador

By
0 1,618

Patay ang isang Chinese businessman, habang sugatan ang isang Filipino-Chinese interpreter nang sugurin at pagsasaksakin ng kanilang mga trabahador sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Dead-on-arrival sa Valenzuela Medical Center si Su Yin Hai, 52, site-in-charge ng Charles Man Warehouse, ng No.128 Sapang Bakaw Street, Barangay Lawang Bato, sanhi ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang nilalapatan ng lunas sa nasabing pagamutan ang interpreter na si Anthony Li, 41, binata, naninirahan sa nasabing lugar na may saksak sa ulo.

Dalawang suspek naman ang nadakip at nakilalang sina Edwin Llagas, 45, stay-in caretaker ng Charles Man Warehouse sa may No. 128 Sapang Bakaw Street, Brgy. Lawang Bato; at Mark Red, obrero at stay-in rin sa naturang lugar.

Pinaghahanap naman ang mga nakatakas na sina Jonathan Llanita, 38; at Jonathan Plac, habang inaalam ang pagkakakilanlan ng iba pang lalaking sangkot sa krimen.

Base sa report, nag-uusap sa opisina ng Charles Man warehouse sina Sun at Li kasama ang isang Engineer Epifanio De Mesa bandang alas-4:20 ng hapon nang pumasok ang mga suspek at pagbabatuhin ang tatlo ng mga piraso ng bakal.

Sa gitna ng gulo ay nakita ni Li nang biglang bumagsak si Sun na duguan habang may hawak na patalim na puro dugo ang suspek na si Llanita.

Kaagad siyang sinugod ng suspek, pero nagawa niyang masalag ang mga unday ng saksak gamit ang isang maliit na lamesa.

Nahinto lamang ang pag-atake nang magdatingan ang ibang tauhan ng kompanya kaya nagkanya-kanyang takas na ang mga salarin.

Kasong murder at attempted murder ang isinampang asunto sa mga suspek.