Una sa Balita

Nakatiwangwang na mga housing unit ng gobyerno ipamumudmod

0 830

Para mapakinabangan at hindi tuluyang masira lang, nagpasya ang Kongreso na i-award sa mga kuwalipikadong beneficiary ang lahat ng mga housing unit ng gobyerno na hindi napapakinabangan at nakatiwangwang lang.

Sa Joint Resolution No. 2 ng Kongreso, binibigyang kapangya­rihan ang National­ Housing Authority (NHA) na ibigay sa mga kuwalipikadong beneficiary ang mga hindi pa nai-award na mga hou­sing unit para sa mga miyembro ng Phi­lippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Peno­logy (BJMP) at Bureau of Corrections (BuCor).

Nakasaad sa Joint Resolution ng Kongreso na hindi dapat masayang ang mga housing project na ipinatayo ng gobyerno at dapat na mapakinabangan ito ng mga Filipino.

Kabilang sa mga maaaring i-award ng NHA ay yaong mga housing unit na wala pang nakakuha, mga unit na hindi naman tinirhan at isinurender dahil kumuha ng bago sa ibang housing project, at mga hindi nahulugan at nakansela ang award.

Ayon pa sa joint re­solution na inaprubahan ni Pangulong Rod­rigo Duterte, malaki ang pangangailangan ng mga pabahay sa bansa kaya’t sa halip na masira at hayaang nakatiwang­wang ang ibang mga housing project, mas mainam na ibigay na lamang ito sa mga kuwa­lipikadong nangangailangan nang maayos na matirhan.

Maaaring i-award ng NHA ang mga hou­sing unit sa mga kawani ng gobyerno na may mababang sahod, at prayoridad ang mga lowest 30% urban income-earner.

Ang joint resolution ay naipasa sa Senado noong December 11, 2017 at in-adopt naman ng Kamara de Representantes noong Ja­nuary 17, 2018, kung saan inap­rubahan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte noong May 9, 2018.