Una sa Balita

Kapitan na natalo sa NE patay sa heart attack

By
0 3,170

Dahil sa labis na sama ng loob sa pagkatalo sa idinaos na halalang pambara­ngay noong nakaraang Lunes, inatake sa puso at binawian ng buhay ang kumandidatong kapitan ng Brgy. M.S. Garcia, Cabanatuan City kahapon nang umaga.

Sa ulat na nakalap ng Abante, nakilala ang nasawi na si retired police officer SPO 3 Reynaldo Linsangan Buan, 58, na dinaig ng katunggali ng mahigit 100 boto.

Ayon sa anak na si Analyn Jane, noong matapos ang unofficial canvassing na idinaos sa paaralang elementarya ng M.S. Garcia ay sinabihan nila ang kanilang ama na huwag ng intindihin ang naging resulta.

Nasabi umano ng biktima na wala na ito sa kaniya at masama lang ang loob noong makita niyang ang ilang tao ay akala niya ay sumusuporta sa kaniya ay hindi pala.

Nabatid mula sa kabiyak na si Estelita na dakong alas-kuwarto kahapon nang madaling-araw nang maramdaman niyang hindi na humihinga ang mister kaya’t dagliang isinugod sa Nueva Ecija Doctor’s Hospital.

Si Buan ay may 32 taong naging miyembro ng Phil. National Police at nagretiro noong taong 2015.