Una sa Balita

Kelot binistay ng 22 bala sa bilyaran

By
0 1,318

Dalawampu’t dalawang­ bala ng hindi pa malamang kalibre ng baril ang inubos ng hindi kilalang ‘gunman’ sa pamamaril sa 49-anyos na lalaki habang nakaupo sa isang bilyaran kamakalawa ng hapon sa Quezon City.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktima na si Rode­rick Hilado Torrecampo, alyas ‘Toto’, 49-anyos, may-asawa, walang trabaho at residente ng No. 18 Area (B), Luzon Ave., Brgy. Pasong Tamo, ng nasabing lungsod.

Batay sa pahayag ni Jonery Jacinto kay PO3 Julius Cesar Balbuena, ng QCPD-CIDU, dakong alas-6:30 nang hapon ay nanonood ang biktima habang naglalaro siya ng bilyar sa labas ng tahanan nito.

Maya-maya ay biglang sumulpot ang isang hindi kilalang lalaki at walang sabi-sabing malapitan itong pinagbabaril kaya dahil sa takot niya ay tumakbo siya upang magtago.

Bagama’t duguan nang nakabulagta ang biktima ay tila hindi pa umano nakuntento ang gunman at muli itong pinaputukan ng baril nang ilang ulit bago nag­lakad lamang papatakas patungong Luzon Avenue.

Agad na humingi ng saklolo si Jacinto sa mga barangay tanod na siya namang nag-report sa himpilan ng pulisya sa naganap na krimen.

Nasamsam ng mga tauhan ng Scene of the Crimes Operatives (SOCO) sa pangunguna ni P/Chief Insp. Nellson Alvarez ang 22 basyo ng bala ng baril at tatlong metallic jacket fragment sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Masusi namang iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa nangyaring pamamaril upang makilala ang nag-iisang suspek.

“Parang galit na galit ‘yung suspek dahil halos 22 na bala ang nagamit niya para masigurong patay ang biktima,” anang imbestigador.