Una sa Balita

114 kabataan na ‘nagpatanda’, naharang sa NAIA

By
0 1,486

NABABAHALA ang mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na nakata­laga sa Ninoy Aquino­ International Airport (NAIA) dahil sa paulit-ulit na mga pagtatangka na umalis ng bansa ang mga Pinoy na menor de edad na gustong magtrabaho sa ibang bansa gamit ang mga huwad na travel documents.

Sa ulat na ipinara­ting kay BI Commissioner­ Jaime Morente, mula Hunyo­ may kabuuang 114 batang babae na may edad 21 ay tinanggihang maglakbay dahil­ sa pagpapanggap na sila’y nasa wastong edad.

Ang lahat aniyang mga nahuling pasahero­ ay nagpakita ng mga pasaporte na sila’y mga may sapat na gulang at may mga balidong overseas employment permit, working visa at job contract.

Una nito, noong Hul­yo, may nailigtas ang Manila Police District na mahigit 40 kababaihan, na ang ilan sa kanila ay mga menor de edad, sa isang pagsalakay sa Sta. Cruz, Maynila. Ini­ulat na iligal na ni-recruit ang mga ito mula sa Mindanao at inalok na magtrabaho bilang mga household service worker (HSW) sa Saudi­ Arabia.

Dahil dito, iniutos ni Morente sa mga Immigration officer (IO) sa NAIA na palakasin ang pagsala sa mga umaalis na Pilipino upang tiyakin­ na nagpapakita sila ng mga lehitimong dokumento.

Binanggit ni Morente ang bilang na noong Hunyo lamang, napigil­ ng IO ang may 67 menor de edad sa NAIA na nagpanggap na nasa wastong gulang.

Nasundan naman ito ng 47 pang nahuli noong Hulyo at sa unang linggo ng Agosto.

Ang huling hinarang­ ay dalawang menor de edad na nagpanggap na magte-trenta anyos na at pasakay sana ng flight ng Saudia Airlines patungong Riyadh, Saudi Arabia noong Agosto 2.