Una sa Balita

Congrats at move on

By
0 979

Ngayong tapos na ang eleksiyon, pinalad man o hindi ang lahat ng mga kumandidato, agad sanang tanggapin ang resulta ng eleksiyon.

Bagama’t nagkaroon ng ilang ulat ng kalituhan sa mga unang oras matapos ang pagbubukas ng mga ‘voting precinct’ para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections, naging mapayapa naman sa kabuuan ang naganap na ‘electoral exercises’ batay sa ‘monitoring’ ng Philippine National Police.

Kaya lang, hindi naiwasan na may nagbuwis ng buhay at nagkaroon ng talamak na bilihan ng boto, ayon sa ulat.

Anuman ang idinulot sa mga kumandidato ng katatapos na eleksiyon, ito’y isang karanasan na kapupulutan ng aral para maging gabay sa susunod na eleksiyon.

Dahil ang mga kandidato ay likas na may suporta sa kani-kanilang mga purok at kinikilala ang ‘liderato’, kahit wala sa puwesto ay maaari pa ring maisulong ang mga plataporma o adbokasiya.

***

Kapansin-pansin ang nagkalat ng basura sa mga eskuwelahan na ginawang ‘voting precinct’ sa araw ng eleksiyon. Kailan kaya tayong mga Filipino matututo na maging ‘responsable’ sa pagtatapon ng basura?

Kahit na may inilaang tapunan ng basura, marami pa rin ang walang pakialam – salaula ang tawag dito ng ating mga nakatatanda.

Ilang linggo na lang, balik-eskuwela na ang mga mag-aaral kaya ang paglilinis sa mga basurang iniwan ng mga kandidato ay malamang kay ‘teacher’ pa iaasa.

Nandiyan naman kasi ang ‘Brigada Eskwela’ bahala na ang mga ‘vo­lunteer’ na maglinis sa mga silid-aralan.

Baka puwede naman ang lahat ng mga kumandidato kasama ang mga tagasuporta ay bumalik sa mga paaralan para maglinis.

Ang ‘Brigada Eskwela’ ay napakagandang proyekto ng Department of Education na kung tama ang aking memor­ya ay inumpisahan sa panahon ni dating Education Secretary Jesli A. Lapus. Magandang proyekto dapat lang ipagpatuloy, palawakin at palakasin.

***

Binabati ko ang aking bayaw na si Kuya Genio Risco Octavo ng Medicion 2nd, Imus, Cavite. Number-1 kagawad sa katatapos na barangay elections 2018. Tumakbong independent. Sa tulong ng kanyang mga kababaryo sa Brgy. Medicion 2F, ipinagkaloob sa kanya ang pribilehiyo na makapaglingkod sa mga kabarangay.

Kuya Genio, matutuwa si Tatay Tinoy at Nanay Inday, kahit hindi na natin sila kapiling.

Sana magampanan mo ang tiwalang ipinagkaloob sa iyo ng mga taga-Medicion 2F.

Good luck!