Una sa Balita

Laban ni CJ Sereno, laban ng bawat Filipino

By
0 660

Nitong nakaraang Lunes, narinig natin si VP Leni Robredo na magsa­lita sa Justice Forum sa UP Diliman.

Ang diskusyong iyon ay nakapalibot sa kasalukuyang nagaganap sa ating korte, kung saan naghain ng quo warranto petition si Solicitor Gene­ral Jose Calida laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Maaring maisip ninyo, quo warranto — isang terminong pang abogado -—ano naman ang kinalaman ko, isang ordinar­yong Pilipino diyan? Napakalayo ko naman sa kaso ni CJ Sereno, hindi ako maapektuhan kung ano man ang maging desisyon.

Diyan tayo nagkakamali.

Napakalaki ng implikasyon kapag nanalo ang kasong quo warranto laban kay CJ Sereno sa buhay ng bawat Pilipino. Paano, tanong ninyo?

Si CJ Sereno ay kasama sa tinatawag na impeachable officer sa ating bansa. Sa pamamagitan ng impeachment procee­dings, ang Presidente, Bise Presidente, mga namumuno sa Constitutional Commission, mga miyembro ng Supreme Court, at ang Ombudsman, ay maa­ring matanggal sa posi­syon pagkatapos pag-aralan ng House of Representative at sumunod ng Senado ang kaso.

Ibig sabihin, masinsin na matitingnan ang mga ebidensya laban sa impeachable officer. Masisigurado na talagang karapat-dapat siyang alisin sa puwesto dahil may matibay na ebidensya na hindi siya tapat na pinuno.

“Iyong impeachment, ito talaga iyong binibigay na remedy ng ating Constitution para magtanggal ng impeachable officers,” kuwento ni VP Leni sa isang interview nitong nakaraang linggo. “Parang sinasabi ng ating Constitution na, ‘Ito iyong paraan.’”

Pero kapag quo warranto, iba ang magiging usapan.

Ano ba ang quo warranto? Ayon sa Rule 66 ng Rules of the Court, ang quo warranto ay peti­syon na maaring ihanda ng gob­yerno o isang indibidwal laban sa isang taong “who usurps, intrudes into, or unlawfully holds or exercises a public office, position or franchise.”

Pero hindi ito ang nasa konstitusyon na proseso para sa pagsusuri sa ­ating mga impeachable offi­cers. Kapag nanaig ito, ibig sabihin nanganganib na rin ang konstitusyon na nagpoprotekta sa lahat—babae o lalaki, bata o matanda, mayaman man o mahirap.

Sabi nga ni VP Leni sa forum sa UP Diliman, “The quo warranto case against Chief Justice Ma­ria Lourdes Sereno, should it succeed, can be the final blow to the ideal of justice we all depend on. It can hit us more than once: it tramples our Constitution as well as coopts one of its foundations. It weaponi­zes the courts and if we allow it, a quo warranto can be used as a weapon of intimidation, to kill dissent.”

“Kapag ang sagot mo puwede na ang quo warranto, gustong sabihin, kapag mayroon kang ayaw na impeachable official, puwede mo nang i-threa­ten with a quo warranto proceeding o puwede mo nang guluhin sa paraan ng pagpa-file ng quo warranto proceedings,” dagdag niya sa isa pang interview.

Sa pamamagitan ng konstitusyon, napanga­ngalagaan ang bawat karapatan ng bawat Pilipino sa bawat sulok ng ­ating bansa. Kapag dito pa lang sa kasong ito ng quo warranto na inihahain sa isang impeachable official nagpatalo na tayo, ano pa kaya ang ibang laman ng konstitusyon na mapapawalang-bahala?

Naalala ko nang magsalita si VP Leni nitong Lunes, nang banggitin niya ang mga katagang “hindi maaring mananahimik na lamang tayo,” nangilid ang luha ko. Kasi ramdam ko ang bigat na maaring maidulot ng kaso itong sakaling makalusot. Naalala ko ang mga nakakamit ng hustisya dahil sa konstitusyon, at naisip ko ang marami pang naghahanap ng katarungan at nakasandal din sa kapangyarihan ng ating saligang batas.

“Hindi maaring ma­nanahimik na lamang tayo sa dilim na dulot ng mga pangyayari nitong mga nakaraang buwan. Kaila­ngan natin isantabi ang ­ating takot at ipaglaban ang ating hudikatura. Dahil ito ay itinatag upang bigyang-proteksyon ang ordinar­yong mamamayan, hindi upang maging sandata ng mga nasa kapangyarihan.”

“The quo warranto case against the Chief Justice is not just her fight, it is our fight. Whatever the Supreme Court decides now will form part of our nation’s laws, and will have an impact on all of us moving forward.

Kaya totoo, hindi lang ito laban ng isang tao o isang grupo. Laban ito ng bawat Pilipino dahil konstitusyon natin ang nakasalalay dito.

***

Si Georgina Hernandez ang tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo. Siya rin ang namumuno sa Angat Buhay program ni VP Leni. Layunin nitong tulungan ang pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa sa pakikipag-partner sa mga pribadong kumpanya at iba pang vo­lunteer groups. Mag-email sa kanya sa angatbuhay@gmail.com o mag-text sa 0916-7050273.