Una sa Balita

Kung puwede lang walang eleksiyon

By
0 1,890

Sa darating na Lunes, barangay eleksiyon na… sa wakas. Sa biglang tingin, ‘yung sampung araw na binigay ng Comelec para sa kampan­ya ay maiksi lang.

Pero magugulat ka. Gigising ka bigla isang araw sa balitang nag-away ang magkapatid, ang magkapitbahay, ang dating matalik na magkaibigan at ang da­ting mga magkatuwang. Maraming relasyon ang sinisira ng politika… maraming tampo ang nabubuo at pinalalaki. Mataas ang emosyon ng mga tao.

Emosyong panandaliang nagpapalimot sa mga binuong alyansa, binuong panga­rap at binuong bayan. Para saan? Sa ngalan ng ikapapanalo ng kani-kanilang mga kandidato. Kadalasan pa nga, ‘yung kahinaan ng kanilang manok, isisisi nila sa lahat ng mga tao, pwera sa kanilang kandidato.

Binalikan ko nga ‘yung panahon nu’ng una kong salta. Eh bakit sa amin nu’n? Wala naman ni isang kapitan, kagawad, konsehal o mataas na politiko na sumuporta, pinansiyal man o impluwensiya. Lahat nandu’n binuhos sa mga katunggali ko. Hindi naman ako nagreklamo. Wala akong sinisi. Wala akong inaway. Resulta… lumusot pa rin naman ako sa awa ng Diyos at sa dikta ng kapalaran. Tapos, trabaho na agad.

Ito naisip ko lang. Hindi ako palo sa pro­sesong binoboto na lang lahat ng lider na tatayo sa bawat sitio natin. Kung puwede lang sana, presidente na lang ang ibinoboto tapos lahat appointed na lang… pati kami… para hindi magulo ang sistema at iyung platapormang pamamahala ay nakabatay na lang sa isang mandato mula sa Pangulo na halal ng buong bayan.

Ano ang maganda rito? ‘Yung non perfor­ming, puwedeng palitan agad sa bias ng performance, output at rating quarterly basis. ‘Yung politika, nababawasan dahil ang galaw ng kapitan, nakabase sa utos ng nakakataas. Madali ma-implement ang mga reporma nang hindi ka natatakot na balikan ng mga botanteng maaapek­tuhan nang mas maayos na palakad.

Hindi ka nakatali na ikompromiso ang paniniwala mo dahil sa takot na matalo. Isa lang ang mandato. Sundin ang programang nilatag ng Pangulo para sa lahat at ‘wag babali rito.
Kung naging mali ang prayoridad sa taas, sila ang mananagot sa bayan sa kanilang halalan. Ang lahat ng nasa baba, trabaho lang.

Malabo nga lang siguro ‘yung iniisip ko. Kasi napakahilig natin sa eleksiyon… at dibis­yon. Sa simpleng mga homeowner group nga, ‘pag natalo ang isang kandidato, hindi na siya magbabayad ng dues at hihikayatin ang mga kahanay na ‘wag suportahan ang nanalo. Hindi nila alintana kung bumagsak ang asosasyon nila at masira ang kanilang lugar.

Basta maligaya na sila makitang walang nagawa ang mga tumalo sa kanila. Sa seniors federation naman, ‘pag natalo ang isang grupo, magtatayo sila ng isa pang pederasyon na kung saan sila ang mananalo at magpapatakbo.

Hanggang hindi nababago ang takbo ng pag-iisip natin sa tunay na dahilan at tamang attitude sa pagtanggap ng nanalo at sa dahilan ng pagtakbo, magiging mabagal ang pag-unlad ng bayan natin.

Anyway, andito na tayo… kaya sa lahat ng mga lalaban sa Lunes, good luck! May the force be with you.