Una sa Balita

Angat Buhay, nagmumulat sa pagtulong ng kabataan

By
0 570

Sa gitna ng init ng summer at electo­ral protest, patuloy pa rin ang trabaho sa Angat Buhay.

Kasama si VP Leni, dire-diretso ang pagsuyod namin sa pinakamalalayo, pinakamaliliit, at pinakamahihirap na mga komunidad na na­ngangailangan ng tulong. Dahil sila ang puno’t dulo ng ating serbisyo.

Katulad ng marami ko pang ibang kuwento tungkol sa mga proyekto ng Angat Buhay, kinakausap natin mismo ang kababayan nating gipit sa buhay.

Abante Hiring – IT dep

Mula sa kanila, nalalaman natin kung ano-ano ang mga pangangaila­ngan ng kanilang komunidad at sa tulong ng ating mga partner, pilit natin itong binibigyan ng solusyon.

Gaya na lang nang bisitahin namin ang Don Bosco Technical-Vocational Education and Training (TVET) Center sa Calauan, Laguna nitong nakaraang Linggo.

At maliban sa tulong na naiabot namin, napaka­gaan sa loob na malaman na iba ang epekto nito sa kabataan sa komunidad.

Ang Don Bosco TVET Center ay sinimulan ng Salesian Society of St. John Bosco para tulu­ngan ang kabataan na nakatira sa resettlement area ng National Housing­ Authority sa Calauan, Laguna. Galing sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila ang inilipat dito.

Related Posts

Ang pinakamalaking problema dito ay ang bayarin sa pagpapatakbo ng TVET Center. Kaya’t sa pagtutulungan ng Peace and Equity Foundation, Ramon Magsaysay Award Foundation, Angat Buhay at iba’t iba pang mga solar energy provider, nabigyan ng solusyon at pag-asa ang mga taga-TVET Center.

Nitong nakaraang Linggo, nagdala kami ng solar kits na makakatulong sa problema ng tumataas na gastusin sa kuryente ng paaralan. Sa pamamagitan nito, hindi na mangangamba ang mga estudyante na baka mawalan sila ng oportunidad na makapag-aral sa kanilang lugar.

Pero ano ang bago sa kuwentong ito? Ang mga bata. Nakausap namin ang mga estudyante ng TVET Center. Alam nila ang problema ng tumataas na bayarin sa kuryente at pati sila nangangamba.

Sabi ni Christian Siman isang estudyante, “Ang mga kinakaharap namin dito, number 1 po talaga ang financial. Iyong ang pinakaunang-una talaga kasi sobrang hirap kasi dito ng buhay.”

“Ang pangarap ko pag­laki ko is ako din mismo ang tutulong. Tutulong din ako sa ibang tao,” dagdag ni Christian. “Tutulong din ako sa mga taong naghihirap or sa mga taong gustong mag-aral para ano lang po, cycle lang po. Ikot-ikot lang. Parang ako ang tinutulungan dati, sunod ako naman ang tutulong sa iba.”

Halos pareho rin sila nang sinabi ni Jisell Nacor, isa ring estudyante sa TVET Center.

“Ang pangarap ko po siyempre ay makatapos dito sa TVET at kapag nakatapos po ako, hindi ko po talaga makakalimutan ang TVET. Parang isa rin po ako sa tutulong kasi ito rin po ang tumulong sa akin kung bakit ako nakapagtapos,” aniya.

Iyan ang puso ng ­Angat Buhay ni VP Leni — hindi basta tulong, kung hindi ang pagpapaalala sa ating mga kapwa Filipino na mahalagang tayo-tayo mismo ang magtulungan para mas mapaganda ang ating kinabukasan.