Una sa Balita

Magsadya sa Registry of Deeds

By
0 1,356

Dear Atty. Claire,

Magandang araw po. Ako po si August ng Marikina City. Meron po akong nabiling dalawang lote sa Rodriguez, Rizal, fully paid na po ito pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ibinibigay ang titulo ng nabili na­ming lupa ng isang developer na may initials na P.D.C. Last year ay nag-file ako ng kaso sa HLURB dahil natuklasan namin na 14 years nang hindi nabayaran ng developer ang property tax.

Naaksyunan naman agad ‘yun at nagharap kami ng developer sa HLURB August 2015. Nangako sila na within 3 to 6 months ay ibibigay ang titulo ng lupa namin pero hanggang ngayon ay wala pa po. Meron po silang pinapirma sa amin na deed of absolute sale pero hindi nakabalik sa amin ‘yung dokumento.

Tanong ko po, possible po ba na ma-refund namin ‘yung mga ibinayad namin sa lupa kung hindi nila maibigay ang titulo sa amin? Hawak na po namin ang Certificate of Full Payment.
Maraming salamat po, at pagpalain po kayo ng Poong Maykapal.

August

***

Dear August,

Kung hanggang nga­yon ay hindi pa naibibigay ang titulo ng lupa ay talagang malaking problema iyan lalo pa at sinasabi mo na hindi nababayaran ang amil­yar ng halos 14 years na.

Ang pangamba ko lamang ay baka iyan ay nakapangalan pa rin sa developer… o ito ay nakasanla sa bangko… o kaya naman ay baka mailit o mapasubasta na ng local government na may sakop sa lupa dahil sa hindi nababayarang amilyar. Kapag ganyan ang nangyari ay baka dumating ang panahon na mapunta sa highest bidder ang ari-ariang iyong nabili na.

Una mong gawin ay puntahan mo sa Registry of Deeds na may sakop sa ari-arian at alamin ang estado o status ng nasabing lupa. Makikita mo sa kopya ng titulo kung ito ba ay nakasanla o malinis. Kung nagkataon na ito ay nakasanla nang wala kayong kaalam-alam ay magagamit mo itong dahilan upang ipawalang-bisa ang na­ging kontrata ng bilihan at bawiin ang lahat ng naibayad at ang mga danyos na natamo ninyo dahil sa kanilang panloloko.

Pangalawa, alamin sa Assessor’s Office ang pinakahuling taon kung kailan nabayaran ang amilyar dahil kapag hanggang ngayon ay may utang pa rin ang deve­loper ay malamang na ito ay maging isa sa maaa­ring ipasubasta ng Office of the City Treasurer. Ito ay magagamit mo ring na karagdagang dahilan para ipawalang-bisa ang kontrata ng bilihan.

Kung decided ka na ipawalang-bisa ang kontrata ay sumulat na sa developer at ilagay sa sulat na pinapawalang saysay o bisa mo na ang kasunduan dahil sa kanilang hindi pagtupad sa kasunduan at sa mga violation ng mga batas at alituntunin na nagdudulot na labis na danyos sa inyo at dapat na ring ibalik lahat ng naibayad at ang halaga ng danyos. Panotaryuhan na rin ang demand letter na ito.

Kapag hindi tumugon ang mapang-abusong developer ay isampa mo na ang kaso sa HLURB tungkol sa pagpapawalang bisa ng kontrata.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com