Una sa Balita

11 OFWs na pa-Middle East, naaksidente

0 3

Sugatan ang 11 Overseas Filipino Wor­kers (OFW) na magtutungo sana sa Middle East nang maaksidente ang kanilang sinasak­yang van habang ihahatid ang mga ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon sa Pasay City.

Pawang mga nilalapatan ng lunas sa San Juan De Dios Hospital ang mga biktimang (hindi na pinangangalan) sanhi ng mga tinamong galos at pasa sa katawan.

Sa natanggap na report ni Sr. Supt. Joel Doria, hepe ng Pasay City Police mula kay Sr. Insp. Wilfredo Sangel, hepe ng Pasay City Traffic Bureau naganap, ang insidente alas-12:30 ng hapon sa harapan ng Cuneta Astrodome, Southbound lane ng Roxas Boulevard  ng naturang lungsod.

Sa imbestigasyon, isang Hyundai van na may plakang ARA-2626, na minamaneho ni Elmer Cepe, 23, binata, isang lia­son officer sa isang recruitment agency kasama ang 11 OFW, na ihahatid nito sa airport patungong Middle East nang hindi nito (Cepe) makontrol ang preno ng van dahilan upang magpagewang-gewang ito hanggang sa sumalpok sa center island ang kanilang sinasakyan.

Sa lakas ng impact, tumilapon ang mga biktima kabilang ang driver na si Cepe kaya nagtamo ang mga ito ng mga galos at pasa sa katawan. Mabilis namang naisugod ang mga biktima  sa nasabing pagamutan.

Dahil dito, patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad at pinag-aaralan din kung sasampahan ng kaukulang kaso ang driver na si Cepe. (Armida Rico)