Una sa Balita

11 katao ‘di nakapalag, dinampot sa sugal, droga

By
0 143

WALANG puknat ang kampanya ng Manila Police District (MPD) laban sa iligal na droga at sugal kung saan 11-katao ang sinuyod sa iba’t ibang ­lugar sa kalunsuran.

Dakong alas-12:15 ng madaling-araw kamakalawa nang magsagawa ng anti-criminality operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Malate Police Station 9 (PS-9) sa Dakota Street, Malate kung saan nahuli sina Randy Tirao, 37-anyos; Jerry Kocho, 39; Ryan Christian Meer, 21; at John Jose Moroña, 29, habang nagka-cara y cruz, at nang kapkapan ay nakumpiskahan ng apat na pakete ng shabu.

Nagsusugal din ang mga suspek na sina Cristy Saldaña, 54-­anyos; Epifania Depaz, 61; Rosalina Bucoy, 41; at Jonathan Peñaflor, 32, nang arestuhin dakong alas-1:40 ng madaling-araw sa F. Muñoz Street, kanto ng Zobel Roxas Street, sa Malate na nasamsaman din ng apat na pakete ng shabu.

Alas-6:30 naman ng umaga kamakalawa nang damputin ng PS-9 ang suspek na si Angelo Reyes, 37-anyos, miyembro ng Bahala na Gang, sa bahay nito sa 3125-C San Andres Street, Malate. Si Reyes, na suspek rin sa kasong pagnanakaw, ay nakumpiskahan ng isang pakete ng hinihinalang shabu kaya’t kaagad nang binitbit sa presinto.

Habang ang mga tauhan ng Sampaloc Police Station 4 (PS-4) ang umaresto kay Roel Llagas, 40-anyos, construction worker, dakong alas-2:25 ng hapon kamaka­lawa sa G. Tuazon Street, kanto ng Antipolo Street, habang nagyoyosi.

Ayon sa ulat ng Ermita Police Station 5 (PS-5), alas-kuwatro ng hapon kamakalawa nang maaresto sa buy-bust ope­ration sa Sta. Mesa ang suspek na si Marvin Usi, 25-anyos, silk screen printer, ng 149 F. Banaag Pineda, Pasig City, na nakumpiskahan ng P1,000 buy-bust money at tatlong pirasong self-locking plastic sachet na nag­lalaman ng hinihinalang ‘kush’ na isang uri ng high grade marijuana.