Una sa Balita

11 estudyante sinuyod sa drug session sa Makati

By
0 491

LABING-ISANG high school student kabilang ang limang babae ang naaresto ng mga awto­ridad sa isang drug session.

Nasa P2 milyong shabu naman ang nakumpiska mula sa tatlong drug suspect sa magkahiwalay na ope­rasyon sa Makati City kamakalawa nang gabi.

Ayon kay Senior Supt. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, ang mga nadakip na estudyante ay nasa edad 14 hanggang 17-anyos, pawang nakatira sa Pinagsama Village, Diego Silang, Taguig City.

Ayon sa report ni Chief Inspector Gideon Inis, deputy chief of police for operation, dakong alas-sais nang gabi nang magkasa sila ng anti-criminality operation sa No.616, Consular Area, Barangay Southside ng naturang lungsod.

Sinabi ni Gideon, nakatanggap sila ng reklamo hinggil sa pagiging maingay ng mga estud­yante na nakakabulahaw sa ilang residente.

Agad bumuo ng team upang salakayin ang nasabing lugar. Dito na tumambad ang ilang sachet ng umano’y pinatuyong dahon ng marijuana at mga drug paraphernalia at nakita rin ang bakas ng hinihinalang shabu na ginamit ng mga menor de edad.

Kung kaya’t agad na dinakip ang mga estudyante at dinala sa nasabing himpilan ng pulisya.

Mariin namang itinanggi ng mga estudyante na hindi sila sangkot sa umano’y drug session.

Sinabi ni Simon, iti-turn over ang mga suspect sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sasampahan ang mga ito ng kasong paglabag sa Sec. 13 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002.

Samantala, ayon pa kay Simon, dakong alas-10:30 nang gabi nang madakip ng kanyang mga tauhan ang mga suspek na sina Regino Topia, 43; Rogelio Dierro Jr, 33 at Marlon De Lima, 41 sa isang bahay sa Rockefeller St., Barangay San Isidro sa isang buy-bust operation.

Nakumpiska sa mga ito ang nasa P200,000 halaga ng shabu, tatlong cellphone at ang P500.00 na marked money na ginamit sa buy-bust.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy