Una sa Balita

11 buntis, 8 paslit dinapuan ng HIV/AIDS

By
0 14

Naalarma ang Department of Health (DOH) sa impormasyon na may labing-isang buntis at walong paslit ang tinamaan ng HIV/AIDS infection sa bansa nitong buwan ng Hunyo.

Sa 11 buntis na natukoy na may HIV-AIDS, apat ang mula sa NCR, tatlo ang mula sa Region 7, dalawa ang mula sa Region 4A, at tig-isa naman sa Regions 3 at 4B.

Sa datos ng ng DOH-HIV/AIDS & ART Registry of the Philippines (HARP) para sa Hunyo 2017, ang naturang bilang ay kasama sa naitalang 1,103 bagong kaso ng HIV-AIDS infection nito lamang buwan ng Hunyo.

Umakyat na sa 5,401 ang kaso ng HIV-AIDS sa bansa ngayong 2017 lamang.

Lumabas sa naturang datos na may 30-katao ang dinadapuan ng HIV/AIDS kada araw sa Pilipinas.

Sa mga bagong kaso ng sakit, 29 ang iniulat na namatay na. 93% sa mga tinamaan ng HIV/AIDS ay mga lalaki at 7% ang babae.

Pinakabatang dinapuan ng HIV-AIDS ay isang taong gulang lamang habang pinakamatanda ay nasa edad 73.

Nasa 50% ng mga bagong biktima ay nasa 25-34 year age group, habang ang 32% ay pawang kabataan na edad kinse hanggang 24-anyos.

Naitala ang pinakamaraming kaso ng HIV/AIDS sa National Capital Region (360 kaso o 35%), Region 4A (173 kaso o 17%), Region 3 (114 kaso o 11%), Region 7 (85 kaso o 8%), Region 6 at 12 (44 kaso o 4%) habang ang 193 kaso o 19%) ay mula naman sa iba pang rehiyon sa bansa.

Majority sa mga bagong kaso ay nahawa dahil sa sexual contact o pakikipagtalik (969 kaso) lalo na ang mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki.