Una sa Balita

10K empleyado ng SM ire-regular ngayong taon – Bello

By
0 829

Kinumpirma ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nangako ang SM na ire-regular ang 10,000 manggagawa nito ngayon taon.

Sinabi ni Bello na ang pinakamalaking mall operator sa bansa na minamay-ari ng bil­yonaryong si Henry Sy ay nangakong ilalagay sa regular status sa ­unang semestre ang 5,000 at susunod ay 5,000 bago matapos ang 2018.

Nabatid na karamihan sa mga manggagawang nakaabang na maging regular ay mga clerk.

Gayunman, mahaharap pa rin sa mga inspeksyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang SM upang matiyak na sumunod ito sa batas ng paggawa.

Sa isang isinagawang inspeksyon ng kagawaran noong 2016 sa nasabing mga mall sa Metro Manila, natuklasan na tanging 34,210 mula sa 67,248 empleyado ng kompanya ang may regular na katayuan.

Base sa record ng DOLE, ang iba pang 18,720 manggagawa ay nasa probationary status, habang ang 14,318 ay nasa katayuan bilang mga “seasonal” na manggagawa.

Sinabi ni Bello na maaaring pahintulutan ang kontraktwalisasyon kung seasonal o mga ‘pro­ject work’ worker, tulad ng Pasko na dito nangangailangan ang SM ng karagdagang mga manggagawa sa pagbebenta.