Una sa Balita

Pananalig sa Panginoon at pakikipagkapwa

By
0 249

Ang Mahal na Araw ay isang taimtim na okasyon sa Pi­lipinas para sa pagninilay at pangingilin.

Nagsimula ito kahapon sa Palm Sunday kung kailan ginunita ang pagsalubong ng palaspas kay Kristo.

Magpapatuloy ang Semana Santa hanggang Biyernes Santo tungong Sabado de Gloria at matatapos sa Pasko ng Pagkabuhay.

Kapag Mahal na Araw, sumasailalim ang mga Katoliko sa mga banal na tradisyon – fasting, pasang-krus, Visita Iglesia, penitensiya, at pagpako sa krus – bilang pagtupad sa kanilang panata nang pagbigyan ng Panginoon ang kanilang mga dasal. Ilan dito ang paggaling mula sa malubhang karamdaman o pagkalutas ng matin­ding problema ng pamilya o pagbangon ng naluging negosyo o pagkakaroon uli ng trabaho ng nasisanteng empleyado.

Kung katubusan para sa maraming debotong Katoliko ang Mahal na Araw, may iba naman na inilalaan ang panahon para muling makapiling ang matagal nang hindi nakikitang pamilya sa probinsiya o gamitin ito sa noon pa na naka­planong bakasyon.

Ayon sa awtoridad, ang Semana Santa ang panahon na may pinakaraming nagbibiyahe – mapabarko, eroplano, bus, at iba pang sasakyan.

Para mas maging maayos ang pagdaraos ng Mahal na Araw, narito ang ilang importanteng bilin at safety tip upang makaiwas ang bawat isa sa pagkabalam at disgrasya.

Kung iiwan ang bahay na walang bantay, ang payo ng Philippine National Police, siguruhing naka-lock ang mga pinto at bintana o walang butas na puwedeng lusutan. Sabi nga, kapag hindi nakatingin ang Diyos saka umaatake ang mga magnanakaw.

Sa mga bibiyahe paprobinsiya gamit ang kanilang sasakyan, ibinibilin ng PNP na tiyaking maayos ang kondisyon ng behikulo. Inspeksiyuning maigi ang kotse. Para mada­ling mamemorya, isipin ang BLOWBAGETS o Battery, Light, Oil, Water, Brakes, Air, Gas, Engine, Tools, Self.

Dapat dala-dala ang lisensiya, dokumento ng sasakyan, at insu­rance certificate. Tiya­king kondisyon at alerto ang isip at pangangatawan. Huwag hahawak ng manibela nang nakainom ng alak, nahihilo o inaantok. Magbaon ng sangkaterbang pasensiya at lamig ng ulo. Huwag sabayan ng init ng ulo ang init ng panahon.

Alamin ang detalye ng mga serbisyong ibinigay ng mga toll facility kapag Mahal na Araw tulad ng emergency medical at towing services.

May programa rin ang ilang kompanya tulad ng Lakbay Alalay. Narito ang toll facility hotlines: CAVITEX – 09189340713; MCX – 795-1629; NLEX – 09189061401; SCTEX – 09209672839; SKYWAY – 09175398762; SLEX – 09176877539; STAR Tollway – 09175117827; & TPLEX – 09178880715.

Kung magbubus at magbabarko, kabilin-bilinan ng Coast Guard iwasan nang magbitbit ng maraming damit at kagamitan upang maiwasan ang overloading sa barko at maging komportable ang pagbibiyahe ng lahat ng pasahero.

Gamitin ang panahon ng Mahal na Araw sa paghugot ng panibagong lakas na nakasandig sa pagmamahal sa Poong Maykapal at pakikipagkapwa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy