Una sa Balita

105 bata nasawi sa landslide, pagbaha sa Sierra Leone

By
0 1

FREETOWN — Si­nimulan na ng bansang Sierra Leone ang isang linggong pagluluksa nitong Miyerkules matapos lumitaw na 105 bata ang kabilang sa mahigit 300 katao na nasawi sa naganap na mga pagguho ng lupa at malawakang pagbaha, isa sa pinakamalala na natural disaster sa nasabing bansa.

Umaabot pa sa 600 ang nawawala sa Freetown, na ayon kay President Ernest Bai Koroma ay isang malaking hamon.

Aniya, ang mga bandera ay itataas na naka-half-mast at nanawagan ito ng tulong matapos bisitahin ang mga naapek­tuhang komunidad ng Regent nitong Martes.

Samantala, nagbabala ang Aid organizations na hindi pa tapos ang panahon ng tag-ulan at marami pang magaganap na pagbaha anumang oras sa west African coastal city na may mahigit isang milyon ang residente.

Ayon sa mga opisyal ng central morgue sa Freetown, 105 sa mahigit 300 na nasawi ay bata. Subalit, ayon sa unofficial estimate ay aabot sa 400 ang namatay.

Ang pamahalaang Sierra Leone, isa sa pinakamahirap na mga bansa sa buong mundo, ay nangako ng tulong ayon sa Red Cross, sa may 3,000 katao na nawalan ng tahanan dahil sa nasabing kalamidad.

Walang Pinoy

Kaugnay nito, tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Filipino na kabilang sa mahigit 300 katao na nasawi sa nangyaring pagguho ng lupa at pagbaha sa Sierra Leone.

Sa kalatas ni DFA Secretary Alan Peter S. Cayetano, base sa impormasyong ipinadala ni Philippine Ambassador to Abuja Shirley Ho-Vicario, ligtas ang lahat ng Filipino sa nasabing bansa sa kabila nang nararanasang masamang panahon.

Kasabay nito ay nagparating ng pakikiramay ang DFA sa mga pamilya ng mga nasawi at nasaktan sa nasabing kalamidad.