Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

103 Estudyante sa elementary nalason ng gatas

0 100

Isinugod sa ospital ang 103 mag-aaral sa elementarya matapos umanong mabiktima ng food poisoning mula sa nainom na kontaminadong gatas na ibinigay sa mga eskuwelahan para sa feeding program ng Department of Education (DepEd) sa Sta. Catalina, Negros Oriental noong Huwebes.

Sinabi ni Assistant Provincial Health Officer Dr. Liland Estacion na dinala ang mga biktima sa Bayawan District Hospital sa Bayawan City at isang treatment facility sa Sta. Catalina ilang oras matapos dumaing ng pagsama ng pakiramdaam noong Huwebes ng gabi.

Lumitaw sa pagsusuri ng mga doktor na nabiktima ng gastroenteritis secondary to suspected food poisoning ang mga estudyante kaya dumanas ang mga ito ng pagkahilo, pagsusuka, matinding pananakit ng tiyan at loose bowel movement (LBM).

Nangyari ang insidente sa mga elementary school sa Barangay Nagbinlod at Sitio Avocado kung saan nakatira ang mga biktima.

Benepisyaryo ang mga biktima ng libreng gatas mula sa inilunsad na feeding program ng DepEd.

Samantala, sinabi ng Negros Oriental Provincial Police Office na walang label ang mga bote para sa detalye ng gatas.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya, Provincial Health Office at DepEd ang nasabing insidente. (Kiko Cueto)

Leave A Reply

Your email address will not be published.