Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

100 Taal survivor nasungkit P2M sa laro

0 46

Hindi napigilang maiyak dahil sa labis na kasiyahan ng may 100 survivors ng Taal Volcano eruption makaraang mapanalunan nila ang P2 milyong jackpot prize sa isang laro.

Sa final episode ng Kapamilya musical game show na ‘Everybody Sing’, bago makuha ang malaking premyo ay kaila­ngan ng mga contestant na mahulaan ang tamang pamagat ng 10 kanta sa loob lamang ng 77 segundo.

Sa 47 seconds, pitong kanta ang tamang nahulaan ng mga survivor at apat lang ang kanilang mali, kaya naman mayroon pa silang 30 segundong natitira para sagutin ang tatlo pang huhulaang kanta upang makuha ang tumatagin­ting na P2 milyon.

Naging exci­ting sa lahat hindi lang sa mga kalahok kundi pati na sa mga manonood sapagkat nadagdagan pa ng dalawang tamang sagot sa kabuuang siyam na puntos at isa na lang ang kailangan para sa grand prize.

Dalawa pa sa mga kalahok ang sumubok na sumagot pero mali ang hula sa kanta, hanggang sa 17 segundo na lang ang natira para sumagot.

Sa muling pagtugtog ng instrumental, sumagot ang isang contestant ng kantang “Langis at Tubig” ni Sharon Cuneta at dito naghiyawan ang 100 Taal Volcano survivors nang ihayag ni Vice Ganda na tama ang sagot sa pamagat ng awitin.

Maging ang bagong panganak na contestant kasama ang kanyang asawa ay naluha na rin sabay sabing may panggastos na sila sa kanilang baby.

Hindi anila biro ang hirap na kanilang dinanas nang pumutok ang Bulkang Taal noong Enero 12, 2020, na halos ikalubog ng kanilang kabuhayan.

Shinoot ang nasabing show episode bago pa manalasa ang COVID-19 pandemic sa bansa. (Orlan Linde)

Leave A Reply

Your email address will not be published.