Una sa Balita

100% service charge

0 447

Sadyang walang humpay po ang ating paghahanap at pagsusulong ng mga makahulugang reporma upang totohanang maka­tulong sa pag-aangat ng dangal at kabuhayan ng manggagawang Pilipino.

Nais ko pong ibalita sa inyong pasado na sa bicam ng Kongreso ang panukala nating pagbibigay ng 100% ng ‘service charge’ o ang dagdag na bayad sa nakunsumo nating pagkain o inumin sa mga restaurant, hotel, resort at iba pang katulad na mga establisimyento, sa mga rank and file at supervisory employee.

Hindi po kasama ang mga managerial emplo­yee dahil malinaw po sa Implementing Rules and Regulations o IRR ng ating Labor Code mula pa taong 1975 na hindi po sakop ng service charge ang mga manager.

Ibig pong sabihin, ang dating pinaghahatiang halaga ng mga manggagawa at management ay buong-buo nang makukuha ng mga wai­ter o ‘front of the house’ employees at mga cook o chef o ‘back of the house’ employees.

Ang pagpapataw po ng ‘service charge’ na kalimitang nasa 5%-10% ng halagang nakunsumo ay boluntaryo at hindi po sapilitan. Halimbawa, sa P1,000 nakunsumo sa pagkain sa hotel, P100 ang mapupunta sa mga empleyado kung may sinisingil na 10% service charge.

Sa kasalukuyang probisyon ng Labor Code, may 15% share po ang management sa halagang ito na kalimitang ginagamit para sa mga nasisirang kagamitan subalit marami rin pong establisimyento ang sadyang naglalaan ng pondo para sa ‘breakage’ o ‘losses’.

Kapag nalagdaan po ng pangulo ang ating panukala, bawal na pong makihati pa ang management sa halagang nakokolekta sa service charge.

Pumapasok po ang equal share ng mga covered employee sa service charge sa kanyang regular na sahod na kalimitang makikita sa kanyang payslip.

Halimbawa, ang restaurant worker na si Jhigz ay tumatanggap po ng halos P10,000 sahod tuwing kinsenas-katapusan pero dahil sa service charge, may dagdag pang halos P6,000 ang take home pay ‘nya o kabuuang P16,000.

Ang kabutihang dulot po nito ay hindi lamang pakinabang para sa mga manggagawa at negos­yante kundi maging para sa mga kostumer at sa pangkalahatang ikauunlad ng ating ekonomiya.

Kapag alam po ng manggagawa na maaari siyang makatanggap ng higit pa sa kanyang sahod mula sa service charge, lalo na kung masisiyahan ang kostumer, tiyak na pag-iibayuhin niya ang sipag sa trabaho, serbisyo, alaga, at pakikisama.

Walang ibang lalong makikinabang sa ganitong kalakaran kundi ang negosyo. Ang masisipag at ganadong empleyado ay nangangahulugang nasisiyahang mga kostumer na tiyak na magpapabalik-balik.

Ipagdiwang po natin ang isa na namang tagumpay ng manggagawa at ng sambayanang Pilipino.

Job Fair Schedule:
Lagawe Job Fair—Atrium, Capitol, Lagawe, Ifugao—June 17

Pangasinan State University Job Fair—Bayambang Campus, Bayambang, Pangasinan—June 18

Trabaho para sa Taga-Alamada Job Fair—Municipal Hall, Alamada, Cotabato—June 19

(senatorjoelvilla­nueva@yahoo.com)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy