100 nadale ng cholera

By

Isa ang patay habang mahigit sa 100 pa ang patuloy na ginagamot sa ospital matapos na magkaroon ng cholera outbreak sa isang barangay malapit sa tabing dagat ayon sa kumpirmasyon ng mga opisyal ng barangay sa bayan ng Oas, Albay.

Ayon kay Barangay Badian Chairman Henry Moteveros, kung saan isa ang kanyang asawa sa tinamaan ng pinagsususpetsahang cholera outbreak, nagsimula umano ang pananakit ng tiyan at pagsusuka at pagtatae ng mga residente ng lugar nitong Sabado.

Agad namang dinala sa Pio Duran Memorial Hospital at Pantao district hospital ang mga biktima na umabot sa mahigit 100 subalit isa na sa mga ito ay nasawi na nakilalang si Crizelda Imperial Atuli.

Sa ngayon ay patuloy pa ring nagpapagaling ang isa pang biktima sa pagamutan habang ang iba naman ay nakalabas na at sa bahay na lang nagpapatuloy ng kanilang pagpapagaling.

Sa ngayon ay sinuri na ng Provincial Health Office ang mga pinagkunan ng tubig sa nasabing barangay upang isailalim sa pagsusuri at kanila umanong ilalabas sa lalong madaling panahon ang magiging resulta ng test.

Napag-alaman na ang Barangay Badian ay isang lugar malapit sa tabing dagat at halos lahat ng mga residente dito ay umaasa sa deep well o poso bilang pinagkukunan nila ng maiinom.

Nananawagan naman ang mga residente ng lugar sa pamunuang lalawigan ng Albay na sana ay bigyang prayoridad ang mga proyekto para sa pagkukunan ng malinis na tubig.

Base sa pagsusuri, marami sa mga bayan sa lalawigan ng Albay ang may problema sa pinagkukunan ng malinis na tubig na maiinom subalit mas inuuna pa ng mga opisyal ng mga bayan ang paggawa ng mga covered basketball court na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso kumpara sa pagkukunan ng malinis na maiinom na tubig. 

SHARE