Una sa Balita

100 kahon ng puslit na yosi nasabat sa Jolo

0 224

NAHARANG ng mga awtoridad ang 100 karton ng hinihinalang smuggled na sigarilyo nang mabuking ang modus para maipuslit ito galing sa Jolo, Sulu kahapon nang madaling-araw.

Galing umano ang mga barkong MV Mama Mia, MV Mary Joy 1 at Asian Star II sa Jolo, Sulu at papunta sana ng Zamboanga City nang maharang ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard.

Ayon kay Customs Collector Segundo Sigmundfreud Barte Jr., nakalagay sa iba’t ibang mga lalagyan ang nasabing mga sigarilyo.

Ang ilan ay inilagay umano sa loob ng karton na may tubig at yelo upang magmukhang isda ang laman habang nakasilid ang iba sa loob ng maleta upang magmukhang mga damit at gamit lang ang dala.

Sa salaysay ng isa sa nahuling suspek na may dala ng dalawang maleta na naglalaman ng sigarilyo, nabili niya ang mga ito sa Jolo, Sulu at ibebenta sana niya sa Zamboanga sa halagang P14,000.

Nabatid sa Bureau of Customs (BOC) na karamihan sa mga nahuhuling sigarilyo ay binibili umano sa Malaysia at Indonesia.

Giniit nito na mapanganib sa kalusugan ang produktong ito lalo na at hindi alam kung saan ito ginawa.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang may-ari ng mga sigarilyo at kung sino ang supplier ng mga ito. (Mina Aquino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy