Una sa Balita

100 kabaong ipinadala ng US sa North Korea

By
0 1,933

Kinumpirma ng US military ang pagpapadala ng 100 wooden coffin sa North Korea noong Sabado upang paghandaan ang turn over ng labi ng mga Amerikanong sundalo na nawala sa Korean War noong 1950-1953.

Ayon kay US Forces Korea spokesman Col. Chad Carroll, nagpadala rin sila ng 158 metal transfer case sa US air base malapit sa Seoul, South Korea, upang gamitin sa mga makukuhang kalansay ng mga Amerikanong sundalo.

Matatandaan na pumayag ang North Korea na ibalik ang labi ng mga Amerikanong sundalo, nang magpulong sina US President Donald Trump at Kim Jong-un sa Singapore noong Hunyo 12.

Bagama’t natitiyak na ng US military ang pagso­soli ng labi ng mga Amerikanong sundalo, hindi pa nila alam kung kailan ito itu-turn over ng North Korea.

Nitong Sabado ay itinanggi ni Carroll ang lumabas na balita sa Yonhap news agency na 200 kabaong ang itatawid ng US military vehicle sa North Korea.

Mula 1996 hanggang 2005, ang joint US-North Korea military search team ay nakapagsagawa ng 33 recovery operation kung saan nakakolekta sila ng 229 set ng kalansay ng mga Amerikanong sundalo.

Naudlot ang operasyon sa loob ng isang dekada matapos magalit ang US sa ginawang development ng North Korea sa kanilang nuclear weapon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy