Una sa Balita

10 patay sa California wildfire

By
0 27

Umabot na sa sampung katao ang patay sa wildfire na tumupok sa wine country ng California.

Mula nang magsi­mula ang sunog noong Linggo ng gabi, kuma­lat na ito sa higit isang dosenang lugar matapos paypayan ng malakas na hangin na umaabot sa 80 kilometro kada oras.

Tinatayang 1,500 bahay at gusali ang naabo at napilitang magsilikas ang 20,000 katao sa nag­lalagablab na sunog na may lawak na 30 ektarya.

“The Sheriff’s Office­ confirms seven fire-related deaths from the Sonoma Co. fires. Our condolences to their friends and families,” ayon sa tweet ng sheriff ng Sonoma County.

Tatlong katao ang unang naiulat na namatay sa wildfire.

Natukoy na 14 na malalaking sunog ang nagaganap sa counties ng Napa, Sonoma at Yuba na nasa hilagang bahagi ng San Francisco Bay at kilalang taniman ng ubas at pagawaan ng wine.

Nasaksikan mismo ng AFP correspondent sa Santa Rosa ang maramihang pagsabog ng gas lines o gas tanks.

Magin­g ang Hilton Hotel ay pan­samantalang sinara at pinalikas ang kanilang mga empleyado dahil sa hindi pa naaapulang wildfire.

Malimit ang forest fire sa kanlurang bahagi ng Estados Unidos lalo na kung panahon ng summer.