Una sa Balita

10 labo-labo sa 3rd telco ngayon!

By
0 911

WALA nang sagabal para sa bidding ng ikatlong telecommunication company sa bansa ngayong hapon matapos hindi magpalabas ang Supreme Court ng temporary restraining order (TRO).

Sa en banc session ng SC matapos ang kanilang recess, hindi inaksiyunan ng mga mahistrado ang petisyon na humihi­ling na ideklarang iligal at labag sa batas ang award na ipinagkaloob ng National Telecommunications Commission (NTC) sa PLDT Inc./Smart Communications Inc. at Globe Telecoms may kaugnayan sa 700 megahertz (MHz) broadcast frequency, kasama na ang iba pang telecom frequencies.

Sa halip, nagpasya ang SC na muling dinggin ang kaso dahilan para ipagpatuloy ang bidding sa ikatlong telco player ngayong Miyerkoles, Nobyembre 7.

Nalaman din na ang ponente o naatasang sumulat sa kaso ay si SC Justice Alexander Gesmundo na ngayon ay nasa official leave.

Una nang naghain ng petition for mandamus sa SC si Atty. Joseph Lemuel Ba­ligod Baquiran at Atty. Ferdinand Tecson na humihiling na ideklarang null and void ang naturang kontrata.

Magugunita na ang acquisition ay ginawa ng PLDT at Globe noong 2017 para sa issuing and outstanding shares and assets ng Vega Telecom Inc., subsidiary ng San Miguel Corporation (SMC).

Kahapon ay kinuwestiyon ng Philippine Telegraph and Telephone Corp. (PT&T) sa Makati City Regional Trial Court ang ipinairal na patakaran ng gobyerno sa pagpili ng ikatlong telco na siyang babasag sa duopoly ng higanteng Smart Communications at Globe Telecoms.

Sampung kompanya ang maglalaban-laban para maging third telco matapos na bumili sila ng bidding documents. Ito ay ang China Telecom, PT&T, Now Telecom, Telenor ASA Group, Udenna Corp., LCS Group of Companies and TierOne, Mobitel Holdings GmbH, Converge ICT, AMA Telecommunications at isa pang hindi pinangalanang bidder.

Ang LCS Group ay pagmamay-ari ni dating Ilocos Sur Governor Luis ‘Chavit’ Singson ay nag-aalok ng mababang pres­yo ng internet kung mananalo bilang third telco player. Sinasabing umaangal din ito sa pabago-bagong TOR ng bidding.