Una sa Balita

10 kada buwan patay sa leptospirosis – DOH

By
0 42

Halos sampu katao ang namamatay kada buwan dahil sa leptospirosis ngayong unang tatlong buwan ng 2017, ayon sa Department of Health (DOH).

Sa datos ng Public Health Surveillance Division ng Epidemiology Bureau ng DOH, nakapagtala ng kabuuang 337 kaso ng sakit sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Marso 25, 2017 lamang at pumalo na sa tatlumpu ang nasawi.

Mas mataas ang bilang na ito ng 67.7 porsiyento kumpara sa 201 kaso ng sakit na naitala noong first quarter ng 2016.

Pinakamaraming kaso ng leptospirosis sa National Capital Region (NCR) na umabot sa 60 kaso 17.8 ng kabuoang bilang. Sumunod ang Region 6 (54 o 16%), Region 11 (47 o 13.9%), Region 10 (45 o 13.4%), at Region 8 (27 o 8%).

Ang mga tinatamaan ng sakit ay mga sanggol hanggang 71 years old at karamihan sa pasyente ay kalalakihan.

Ayon sa DOH, ang leptospirosis ay isang uri ng sakit na nakukuha sa ihi at dumi ng daga. Ilan sa sintomas nito ay mataas na lagnat, panginginig ng katawan, matinding pananakit ng ulo, pagkahilo, pagsusuka, kawalan ng ganang kumain, ubo, pananakit ng katawan at pamumula ng mata.

Madalas itong makuha sa paglusong sa tubig-baha na nahahaluhan ng ihi at dumi ng daga at mga insekto.