Una sa Balita

10 GRO na Chinese national nasagip sa Biñan

0 435

NAILIGTAS ng mga tauhan ng Biñan City Police ang 10 babaeng Chinese national na umano’y biktima ng human trafficking at pinagtrabaho bilang mga sex worker at guest relation officer (GRO) sa nasa­bing lungsod.

Ayon kay PLtCol Danilo Mendoza, hepe ng Biñan City police, agad silang nagkasa ng operation sa isang motel matapos dumating at magsumbong sa kanilang himpilan noong Martes nang umaga ang isang babaeng Chinese national na si Xiao Feng Yao na biktima rin ng trafficking.

Sa tulong ng interpreter, sinabi ng 24-anyos na si Yao na siya ay ni-recruit buhat sa Henan Province sa China ng isa ring Chinese at pinangakuan umano ng disenteng trabaho sa Pilipinas.

Subalit pagdating sa bansa ay ginawa umano siyang prostitute at sex worker na eksklusibo para sa mga kababayan nilang mga Chinese na nagtatrabaho sa Laguna.

Ayon pa kay Mendoza, ginagawa ang transaksyon sa pagkuha sa mga GRO sa pamamagitan ng online booking na pinamamahalaan ng mga tauhan ng sindikato na nagpapatakbo sa protistusyon.

Kaagad sinalakay ng mga awtoridad ang motel na Cassandra’s Place sa Barangay San Francisco sa Biñan kunsaan umano dinadala ng mga kostumer ang kanilang mga kinukuhang babae.

Naaktuhan ng mga awtoridad ang 10 Chinese na babae, na nasa 22 hanggang 33-anyos, habang kasama ang kanilang mga kostumer.

Pinakawalan din naman ang mga lalaking kostu­mer maliban sa isa na si Chiun Lee matapos masagi ng kanyang ng sasakyan ang patrol car ng mga pulis nang magtangkang tumakas.

Pinauwi na rin ang mga GRO na umano ay magkakasama rin sa isang tinutuluyang bahay sa hindi tinukoy na lugar sa Laguna habang bineberipika pa sa Bureau of Immigration kung may mga kaukulang papeles ang mga ito sa pagkakapasok at pagtatrabaho sa bansa.

Inaalam pa rin ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng nasabing sindikato ng prostitusyon. (Ronilo Dagos)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy