Una sa Balita

1 taon pang Martial Law sa Mindanao kinatigan ng SC

By
0 1,688

Idineklara ng Supreme Court (SC) sa botong 10-5 na konstitusyonal ang joint resolution ng Senado at Kamara na nagpapalawig sa Martial Law sa Mindanao sa loob ng isang taon pa o hanggang Disyembre 31, 2018.

Sa ginanap na SC en banc, ibinasura ng mga mahistrado ang apat na pinagsamang petisyon kontra sa pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao matapos makumbinsi na may ‘sufficient factual basis’ ito.

Nalaman na si Associate Justice Noel Tijam ang nagsulat ng ­desisyon.

Kabilang sa mga pumabor sa Martial Law extension sina Associate Justices Presbitero Velasco Jr., Teresita Leonardo-De Castro, Diosdado Peralta, Lucas Ber­samin, Mariano del Castillo, Estela Perlas Bernabe, Samuel Martires, Andres Reyes Jr. at Ale­xander Gesmundo.

Ang limang tumutol ay sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justices Marvic Leonen, Francis Jardeleza at Alfredo Caguioa.

Ipinunto sa desisyon ng SC na hindi umano dapat na isailalim sa judicial review ang na­ging deliberasyon ng Kongreso kaugnay sa Martial Law extension. Ang sinasabi umanong pagmamadali sa pag-apruba sa hiling ng Pangulo na mapalawig ang batas militar sa Mindanao ay hindi batayan para mapawalang bisa ang ekstensiyon nito.

Naniniwala rin ang SC na nagpapatuloy pa ang rebelyon sa Minda­nao at nanganganib ang kaligtasan ng publiko batay na rin sa naging presentasyon ng militar ng mga impormasyon at mga nagaganap sa rehiyon.