Una sa Balita

1 linggong MRTirik, DOTr wala pa ring remedyo

By
0 2,547

Hindi na yata na­wawalan ng rason ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at ang Department of Transportation (DOTr) sa patuloy na pagkasira ng tren nito na kung saan ay umabot na sa pitong aberya ang naganap sa loob ng isang linggo na panimula ng taong 2018.

Kahapon ay mu­ling nasira at nagpababa ng mga pasahero bandang alas-5:19 ng umaga na kung saan ay kakasimula pa lamang ng operation ng MRT ay agad na itong sumablay at ang rason ay paulit-ulit na technical problem sa southbound ng North Avenue station at nagtuloy ang normal train operation matapos ang mahigit 50 minuto o alas-6:07 ng umaga.

Habang noong Sabado ay tatlong beses ang naganap na aberya ng MRT na kung saan umabot sa mahigit 1,000 pasahero ang apektado at muling nairita.

Batay sa report ng MRT-3 management, unang tumirik ang tren sa northbound na bahagi ng Boni station sa Mandaluyong City dahil sa signalling ­error bandang alas-6:52 ng umaga dahil umano sa lumang parts o sub-components ng signalling system.

Wala pang isang oras ang nakalipas nang magka-aberya muli ang MRT-3 sa southbound ng Santolan, Annapolis station, bandang alas-7:48 ng umaga.

Bandang alas-2:21 naman ng hapon, mu­ling nairita ang mga pasahero dahil sa ikatlong pagkasira na naman nito sa southbound ng Quezon Avenue. Pinababa at pinaghintay na naman ang ilang pasahero dahil sa patuloy na technical problem.

Ang rason ng MRT-3 management ay electrical failure naman sa motor ng tren subalit nakakasakay namang muli ng tren ang mga pasensyosong pasahero matapos ang mga aberya.

Ayon sa pamunuan ng MRT-3, kailangan nang mapalitan ang electrical components ng mga nasirang tren upang hindi na ito muling pumalya o kailangan na talaga ng matinding pagbabago hind lang sa mga nasirang tren kundi pati na rin sa management nito.