1.6B kailangan sa mga nasirang iskul — DepEd
KAILANGAN ng Department of Education (DepEd) ng P1.6 bilyon para sa pagpapalit ng daan-daang silid-aralan na napinsala ng sunod-sunod na malalakas na paglindol sa Mindanao nitong nakaraang buwan.
Ayon kay DepEd Undersecretary at Spokesperson Nepomuceno Malaluan, may 500 classroom ang winasak ng tatlong malalakas na lindol na yumanig sa rehiyon nitong Oktubre, habang may 700 classroom pa ang nagtamo naman ng matinding pinsala.
Inaasahan na rin nila na ang naturang halaga ay madaragdagan pa dahil sa nagpapatuloy pa ang isinasagawa nilang assessment sa naging pinsala ng lindol.
Sa pagtaya rin ng opisyal ng DepEd, aabutin pa ng mahigit isang taon bago maitayo ang mga replacement building.
Related Posts
Nabatid na ang mga naturang replacement building ay nagkakahalaga ng P2.5 milyon bawat isa, at kayang tagalan ang mga pagyanig at mga malalakas na bagyo.
Humingi naman ang DepEd ng pondo mula sa National Disaster Coordinating Committee (NDCC) sa ilalim ng Office of the President para dito.
Nauna rito, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na pinag-aaralan na nila kung maaaring gamitin ang sariling budget ng ahensiya sa pagkukumpuni ng mga napinsalang paaralan. (Edwin Balasa)