Una sa Balita

1.3M winaldas sa biyahe ni Ridon

By
0 2,397

MAY katuwiran si Pa­ngulong Rodrigo Duterte na sibakin sa puwesto si dating Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) Chairman Terry Ridon dahil lumabas sa pagsisiyasat ng Commission on Audit (COA) na mahigit P1.3 milyong pondo ng ahensiya ang winaldas nito sa kanyang mga pagbiyahe sa ibang bansa.

Sa 2017 annual audit report ng COA, inihayag nito na umabot ng P1,331,021.68 ang ginastos ni Ridon para sa kanyang mga biyahe sa ibang bansa na lihis o hindi sumunod sa nakasaad na batas at mga alituntunin.

Binanggit sa ulat na bumiyahe si Ridon sa Morocco at Germany bilang PCUP chairman sa kabila ng walang pondo na inilaan para dito. Hindi rin umano nakapaloob sa Annual Procurement Plan ang ginastos ni Ridon sa pagbiyahe.

“The foreign travels for CYs 2016 and 2017 were recorded as Trave­ling Expenses (TEs) – Local and was adjusted to TEs – Foreign in the latter part of 2017 with no corresponding approved supplemental APP,” ayon sa COA report.

Lumalabas din na hindi naman kinakaila­ngan ang biyahe ni Ridon sa Marrakech, Morocco at Bonn, Germany dahil ang mga dinaluhan nitong pagpupulong tungkol sa climate change ay wala namang kaugnayan sa mandato at trabaho ng PCUP bukod pa sa mayroong Climate Change Commission na siyang nangangasiwa sa nasabing isyu.

Matatandaan na sinibak ni Pangulong Duterte si Ridon na dating kinatawan sa Kongreso ng Kabataan Party-list noong Setyembre 2017. Kasamang pinalayas ng Pangulo sa PCUP ang apat pang commissioner ng ahensiya dahil sa mga pagbiyahe sa ibang bansa na hindi naman kinakailangan at kabiguang makapagsagawa ng pulong.

Kabilang sa mga sinibak na PCUP commissioner sina Melissa Aradanas, Joan Laguna, Manuel Serra Jr. at Noe Indonto.

Pero muling itinalaga ng Pangulo si Aradanas bilang deputy secretary general ng Housing and Urban Development Coordinating Council, habang inupo naman si Laguna bilang assistant secretary ng Department of Environment and Natural Resources at inilagay si Serra bilang board member ng Philippine Coconut Authority.

Iginiit naman ni Ridon na kasama sa mandato ng PCUP ang lahat ng komperensiya na dinaluhan nila ng mga dating opisyal ng ahensiya para sa socia­lized housing ng mga informal settlement at climate change adaptation ng mga mahihirap na pamayanan.