Una sa Balita

1.2B sinayang sa libreng wi-fi ng DICT

By
0 2,435

PALPAK ang inilunsad na “Pipol Konek” free Wi-Fi internet ng Department of Information and ­Communication Technology (DICT) matapos ­masilip ng Commission on Audit (COA) na walong pors­yento lang mula sa P6.507 bilyon budget nito ang natapos at naipatupad ng ahensiya sa loob ng nakalipas na 18 buwan.

Dahil dito, lalong nagduda ang komisyon na makakamit ng admi­nistrasyong Duterte ang layunin nitong makapagbigay ng libreng internet access dahil sa kapalpa­kan ng DICT na matapos ito sa takdang panahon simula nang ilunsad nila ang proyekto noong 2015.

Sa annual report, sinabi ng COA na nasayang ang P1.236 bilyon mula sa kaban ng bayan dahil bigo ang 19 private provider na napili ng DICT na mai­patupad ang unang yugto ng free Wi-Fi program sa 1,634 bayan at lungsod sa bansa.

Ito ay dahil sa nangyaring suspensyon sa kontruksyon ng free Wi-Fi site mula noong Marso 2016 hanggang Oktubre ng nakaraang taon.

Ayon sa COA, ang mga contractor na nasa likod ng mga nasuspendeng proyekto ay ang Abratique & Associates Philippines, Inc. na binigyan ng P654 mil­yong budget; joint venture ng Innove Communications, Inc., at Yondu Inc. – P332.27 milyon; Philippine Long Distance Telephone (PLDT) – P332.27; joint venture ng AZ Communications, Network Inc. (AZCOM), Omniprime Marketing Inc. (OMI), Nexlogic Telecommunications Network, Inc. at Neo-Tech Asia Distribution, Inc. – P192.4 milyon at We Are IT Philippines, Inc. na may budget na P32 milyon.

Sinabi ng komisyon na walong porsyento lang ng 1,407 ng 13,024 site na nasakop ng internet program ang nakumpleto sa pagtatapos ng 2017.

Sinisi ng COA ang maling pamamahala, kakulangan ng DICT sa tamang pagpaplano at kawalan ng sapat na pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at mga private provider kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin makatamasa ang mas malaking bahagi ng bansa ng libreng internet access.

Gayunman, sinabi ng COA na natagalan din ang pagsusulong ng proyekto dahil sa kabagalan ng DICT sa pagkuha ng mga kailangang permit tulad ng building permits at Memorandum of Agreement (MOA) sa mga barangay at munisipyo na pagkakabitan ng Free Wi-Fi project.