Una sa Balita

₱80K subsidiya ng DOTr sa mga tsuper ng jeep inismol ni Grace

By
0 226

IKINABAHALA ni Senadora Grace Poe ang tuloy na implementasyon ng Department of Transportation (DOTr) sa jeepney modernization program.

Aniya, dapat magbi­gay ng suporta ang ahensiya sa mga jeepney dri­vers na maaapektuhan ng modernisasyon dahil maraming transport groups ang nagrereklamo na hindi sapat ang tulong pinansyal na matatanggap nila para makabili ng modern jeepney.

Ayon sa DOTr, aabot ng P1.8 milyon ang ha­laga ng isang modern jeepney at nasa P80,000 lamang ang subsidy na matatanggap ng mga jeepney driver.

“Kung P1.8 million, tapos ang kanilang subsidy ay [maliit] lang, papaano sila makakabili ng jeep? Itong mga bagay na ito ay siguro dapat isip-isipin naman ng DOTr,” sabi ni Poe.

Hindi naman aniya siya tutol sa pagsasagawa ng modernisasyon subalit ikinababahala ni Poe na mawalan ng trabaho ang libo-libong Pi­lipinong nakadependa sa pagpasada ng jeep.

“Alam ko andiyan sila para sa modernisasyon, nandiyan din naman ako, gusto rin naman nating maayos ang ating transportasyon. Pero ‘wag nilang kalilimutan na 600,000 mga dri­ver ang nakadepende sa trabahong ‘yan,” ani Poe.

“Kung gagawa sila ng modernisasyon, isi­pin nila kung paano nila mabibigyan ng hanapbuhay itong mga taong ito dahil responsibilidad iyan ng gobyerno. Ang gobyerno ang hindi dapat kumita, ang tao ang dapat magkaroon ng hanapbuhay,” dagdag nito.