Una sa Balita

₱57B dinekwat sa kita ng STL

0 464

MAS malaki umano ang nakukurakot kaysa naire-remit sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ito ang inihayag ni PCSO Director Sandra Cam sa isang panayam sa radyo, kasunod nang pagpapatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte sa operasyon ng lotto, small time lottery, keno at palaro ng ba­yan sa buong bansa.

Ayon kay Cam dapat nasa mahigit 70 bilyong piso kada taon ang kinikita ng PCSO subalit ang naire-remit lamang ay 13 bilyong piso. Maliwanag na P57 bilyon kada taon ang hindi nireremit sa ahensiya.

Isinumbong aniya nito sa Pangulo ang mga nangyayari sa PCSO at naniniwala siyang vinalidate ito ng Pangulo kaya humantong sa desisyon na suspendihin ang operasyon ng nabanggit na mga laro, pati na rin ang mga franchise at kontrata sa ahensiya.

“It’s my job to report to the President what’s happening at PCSO. But the President is not dumb enough na ako lang ang susundin non. Mayroon siyang…nagpapa-counter yan, he has all the resources to check kung totoo yung aking ibinigay na dokumento,” ani Cam.

May binanggit si Cam na dalawang grupong nagmomonopolya umano sa mga laro ng PCSO, ang Aguilar group at Misiano group na simula sa unang araw hanggang ngayon ay hindi pa nagreremit sa ahensiya.

Ang Misiano group ani Cam ang may pinakamalaking player ng STL sa Pangasinan na kumikita ng 20-25 milyong piso kada araw.

Nakakalungkot aniyang ang mga pinagkatiwalaan ng Pangulo sa PCSO ang siya pang gagawa ng korapsiyon at manloko sa kanya.

“Ang sipag sipag ng Pangulo sa kanyang paglaban sa korapsiyon tapos ang mga inilagay, instead na sumunod sa kanyang adbokasiya, ay siya pang nangunguna, kapag nakakita ng sinag ng pera, nawawala na. Yung appointing authority dapat proteksiyonan, hindi na nila maproteksiyonan,” dagdag pa ni Cam.

Handa ang PCSO director na humarap sa anumang imbestigasyon ng Kongreso at handa aniya nitong ibigay ang mga dokumentong magpapatunay sa mga nangyayari sa PCSO.

Hirit naman nina Senador Grace Poe at Risa Hontiverso, pangalanan ang mga tiwaling opisyal ng PCSO.

“Kapag may duda talaga ng korapsyon, dapat maibulgar agad kung sino ‘yun at ‘yung mga hindi naman dapat apektado ay maipagpatuloy para naman makapagbigay ng pera para sa pangangaila­ngan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Poe.

“Dapat maisiwalat na kung sinong responsable dahil kung walang pondo ang PCSO, maraming programa ng gobyerno katulad ng kalusugan ang maapektuhan,” sambit pa ng senadora.

Ayon sa senador, sa pagkakaroon ng katiwalian sa PCSO, lumalabas aniya na ang mamayang Pilipino ang ninanakawan ng mga ito. “Kapag mayroon kasing korapsyon sa PCSO, ang ninanakawan bale niyan ay ang ating mga kababayan na dumedepende dito sa tulong ng gobyerno sa pamamagitan ng PCSO,” sabi ni Poe.

Sinabi naman ni Hontiveros na kung nais ni Pangulong Duterte na supilin ang katiwalian sa PCSO, dapat habulin din nito ang mga korap na mga opisyal na nakikipagsabwatan sa mga jueteng operator gamit ang STL franchise bilang ‘front’ ng kanilang illegal gambling operation.

“But why shut down the entire multi-billion­ peso charity operations, including small lotto­ outlets which are highly regulated by the government?”­ katuwiran ni Hontiveros. (Aileen ­Taliping/­Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy