Una sa Balita

₱440M painting ni Botong sa National Museum babawiin ni Isko

0 673

Tiniyak ni incoming Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na babawiin ng kanyang administrasyon ang mural na likha ng national artist na si Carlos “Botong” Francisco mula sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP) para muli itong ibalik sa Bulwagang Antonio Villegas sa Manila City Hall.

“Amin po yan eh, pag-aari yan ng Maynila kaya dito sa aming Bulwagan yan dapat manatili. Huwag pong mag-aalala ang mga taga-Maynila, hintayin n’yo lang ang pag-upo namin at babawiin ko yan at ibabalik dito sa kanyang tahanan sa Antonio Villegas Hall,” ani Domagoso tungkol sa P440 milyon na painting ni Francisco.

Giit ni Domagoso, walang karapatan ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na angkinin at ilagak sa kanilang pangangalaga ang mural na may titulong “Filipino Struggles Through History” dahil simbolo ito ng kasaysayan ng lungsod.

Ang nasabing mural ay serye ng mga makasaysayang yugto sa lungsod na nilikha ng national artist na si Botong Francisco ayon na rin sa kahilingan ni dating Manila Mayor Antonio Villegas. Natapos niya itong iguhit ilang buwan bago siya pumanaw noong Marso 31, 1969.

Itinanghal itong National Cultural Treasure, ang pinakamataas na pagkilalang iginagawad sa isang cultural property, dahil sa nakamit nitong mga artistic achievements noong 1996

Noong Enero ng 2013, hiniling ni dating Mayor Alfredo Lim sa NHCP na isailalim sa restorayon ang ilang bahagi ng mural na nasira sa paglipas ng ilang dekada bilang tugon sa rekomendasyon ng noon ay si Tourism Secretary Gemma Cruz.

Noong 2017, isang kasunduan naman ang napagtibay sa pagitan ni outgoing Manila Mayor Joseph Estrada at ng konseho ng lungsod na pumapayag na manatili sa National Museum ang nasabing mural para mabigyan ng pagkakataon ang publiko na makita ang isa sa mga pinakamahalagang likhang Sining ng Pilipinas, pangalawa sa Spoliarium na likha ni Juan Luna.

Bilang kapalit, binigyan ng National Museum ng replica ng mural ang city hall na mas matibay umano at kayang tumagal ng mahabang panahon.

Gayunman, nanindigan si Domagoso na panahon na para muling maibalik sa Maynila ang nasabing mural dahil walang ibang nagmamay-ari nito kundi ang mga lehitimong Manilenyo.(Mia Billones)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy