Una sa Balita

₱25M shabu nasamsam sa Cebu

0 355

UMABOT sa 3.6 kilo ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P25 milyon ang nasamsam sa isang 35-anyos na high value target na drug pusher­ sa isinagawang buy-bust operation kamakalawa nang gabi sa Cebu City.

Hindi na nakapalag nang posasan ng pulisya ang suspek na nakilalang si Alfred Gabunia, matapos ang isinagawang operasyon ng mga tauhan ng Pardo Police Station sa Macopa Street, Barangay Basak ng nabanggit na lungsod.

Ayon kay Sr. Supt. Royina Garma, Director ng Cebu City Police Office, nagsagawa ng buy-bust ope­ration ang mga tauhan ng Pardo Police Station sa pangunguna ni Chief Insp. Regino Maramag at nakipagtransaksiyon sa suspek sa nabatid na lugar kamakalawa nang gabi.

Matapos ang matagumpay na operasyon ay nakuha sa suspek ang siyam na malalaking pakete na naglalaman ng shabu na aabot sa 3.6 kilo at may street value na P25 milyon gayundin ang resibo ng isang kliyente na nagpadala ng pera sa kanya sa isang money transfer.
Ayon pa kay Garma, base sa ginawang interogasyon sa suspek, kumukuha umano siya ng kilo-kilong shabu sa Talisay City, Cebu sa sadyang hindi muna pinangalanang supplier.

Bago ang pagdakip, mahigit dalawang linggo munang isinailalim sa surveillance operation ang suspek. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy