Una sa Balita

₱25B nawawala sa Malampaya ‘di palulusutin – Duterte

By
0 6,343

Hindi palulusutin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga da­ting opisyal ng gobyerno na nakinabang at nagsamantala sa kinita ng natural gas project sa Malampaya Reservoir sa Palawan.

Inihayag ito ng Pa­ngulo bilang bahagi ng kanyang kampanya kontra korapsiyon sa gobyerno.

Ayon kay Pangulong Duterte, hindi siya papayag na maibaon sa limot ang winaldas at kinurakot na pondo ng Malampaya na nagkakahalaga ng P25 bilyon.

Mahigpit aniya ito pagdating sa pera dahil naniniwala siyang dapat mapakinabangan ng mga tao ang kita ng gobyerno, sa halip na iilan lang ang magpasasa.

“Ngayon lang sa Malampaya binastos pa, kinurap pa. But I can assure you that I will get into it. Hindi ako papayag na… You know me, I’ve been your ma­yor 23 years. I’ve been quite strict with money,” anang Pangulo.

Sunod-sunod ang mga sinisibak ni Pa­ngulong Duterte na mga opisyal sa gobyerno dahil sa isyu ng korapsiyon at sinabi nito na hindi rin lulusot ang mga da­ting opisyal na nagkamal ng malaking pera ng pamahalaan.

Batay sa report ng Commission on Audit, hindi nito mabalanse ang Malampaya fund sa kanilang mga hawak na record at mayroong P25 bilyon na nawawala matapos i-compute ang kabuuang halaga ng mga inilabas mula sa mga total remittance ng pondo.