Una sa Balita

₱24M tulong ng Makati sa mga nilindol

0 492

Magbibigay ng halagang P24 mil­yong tulong pinansyal ang pamahalaang lungsod ng Makati sa mga lokalidad sa lalawigan ng Davao del Sur at North Cotabato na sinalanta ng magkakasunod na lindol nitong mga nakaraang linggo.

Kamakalawa ay inaprubahan ng Makati Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) sa pamumuno ni Makati City Mayor Abegail ‘Abby’ Binay, ang pagbibigay ng tulong sa mga nabiktima ng lindol sa Mindanao.

Ayon sa alkalde, nagpatawag siya ng emergency meeting upang mapabilis ang pagpapaabot ng tulong pinan­syal sa mga apektadong lokalidad sa natu­rang mga lalawigan.

Ipinaabot naman ni Mayor Abby ang kanyang pakikiramay sa mga biktima, at sinabing handang tumulong ang lungsod ng Makati upang sila ay makabangon.

Bukod sa tulong pinansyal, magbabahagi rin ang lungsod ng mga kagamitan, tulad ng school supplies para sa mga apektadong mag-aaral sa dalawang lalawigan.

Maaari rin aniyang magpadala ang lungsod ng psycho-social teams na magsasagawa ng stress debriefing sa mga biktima upang tulungan silang malagpasan ang naranasang trauma.

Dumalo rin sa naturang pagpupulong sina City Administrator Atty. Claro Certeza, City Legal Officer Atty. Michael Camiña, DILG-Makati Director Atty. Cherry Melodias, at Councilor Luis Javier Jr., kasama ang iba pang miyembro ng DRRMC ng Makati.

Sa ilalim ng Philippine DRRM Act of 2010, maaaring maglipat ng pondo ang local DRRMC sa ibang local government units na idineklarang nasa state of calamity, kapag naaprubahan ng kinauukulang Sanggunian.

Inaasahan ng alkalde na maisasama na ang financial assistance sa agenda ng Sangguniang Panlungsod sa regu­lar session nito sa susunod na linggo. (Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy