Una sa Balita

₱200M kickback sa napurnadang ₱75B pork sinoli

By
0 1,537

NAPILITANG isoli ng ilang opisyal ng gobyerno ang nakuhang kickback sa takot na ipapatay matapos mabulilyaso ang P75 bilyong insertion ni Budget Secretary Benjamin Diokno.

Ayon kay Camarines Sur Rep. Rolando Andaya, Jr., chairman ng House committee on appropriations, masama ang loob ng mga contractor dahil nagbigay na sila ng cash advance sa paniniwalang makakalusot ang P75 bilyong proyektong pang-imprastruktura na isiningit ng Department of Budget and Management (DBM) sa National Expenditure Program (NEP).

“Ang problema rito, malabo nang makuha ng mga nanalong bidder ang mga proyektong kasama sa P75 billion insertion. Nauwi sa bula ang mga proyektong binayaran nila through cash advance,” pahayag ni Andaya kahapon.

Ipinaliwanag ni Andaya na matagumpay na ni-realign ng Senado at Kamara ang P75 bilyon na pondo para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na isiningit ng DBM sa NEP nang walang konsultasyon kay Secretary Mark Villar.
Ayon kay Andaya, tama ang impormasyon ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na ang P75 billion insertion ay inilako sa mga contractor sa buong bansa.

Batay pa sa mga impormasyon na nakara­ting kay Andaya, dalawa lamang ang pagpipilian ng mga pinaborang contractor.
Una, muling maki­pagnegosasyon para sa bagong batch ng mga infrastructure project o obligahin ang mga project proponent na ibalik nang buo ang cash advance.

“I even heard of one project proponent, a high-ranking government official, who had to return his P200 million cash advance in full to a group of Mindanao-based contractors for fear of his life. Mukhang mas mahal pa rin ng opisyal ang buhay niya kaysa sa komisyon,” dagdag nito.

Ayon pa kay Andaya, ito ang nagbibigay ng malaking problema at kunsumisyon kay Secretary Diokno at mga kasapakat nito sa P75 billion insertion.