Una sa Balita

₱200K pabuya sa tipster ng mga floating pig sa Marikina

0 278

MAGLALAAN ng P200,000 cash reward si Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teo­doro sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon kung sinuman ang nagtatapon ng mga patay na baboy sa Marikina River.

Una nang sinabi ni Mayor Teodoro na mayroon na silang mga impormasyon subalit wala pa silang tiyak na testigo na makapagtuturo sa sinuman na nagtatapon nito kaya nag­laan siya ng reward para rito.

“Magbibigay ako P200,000 sa kung sino man ang makakapagbigay ng impormasyon sa culprit ng pagtapon ng 58 na mga baboy sa Marikina Ri­ver,” ayon sa alkalde.

“Kailangan conclusively dapat iyong info. Iyong sa mismong magkakapagturo ng gumawa ng pagtatapon,” dagdag pa ng alkalde.

Nilinaw naman ng alkalde na ang cash reward ay magmumula sa kanyang sariling bulsa.

Dagdag pa nito, nakatakdang mag-file ng Writ of Kalikasan ang Marikina City go­vernment sa Marikina Regional Trial Court (RTC).

“Magpa-file tayo ng Writ of Kalikasan sa Marikina RTC. Kasi tayo ang aggrieved party sa insidenteng ito. Ang effect kasi ay nasa atin,” diin ng alkalde.

Una nang sinabi ni Mayor Teodoro na mahaharap sa kasong criminal at civil charges ang mahuhuling nagtatapon ng baboy na kung saan ay uma­bot na sa 58 patay na baboy na ang nakuha ng mga tauhan ng veterinary office sa Marikina River na nagsimula noong nakaraang Miyerkoles kaya patuloy pa rin ang kanilang pagmo-monitor sa ilog.

Samantala, sumalok na ng water samples sa limang lugar sa Roman Garden sa Marikina; Circulo Verde sa Eastwood, Quezon City; Barangay Calumpang, Marikina; Barangay Tumana; at Barangay Nangka sa kahabaan ng Marikina River ang mga tauhan ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) at Marikina LGU para malaman kung kontaminado na ang ilog.

Tiniyak naman ng Malacañang na walang nagaganap na pagtatakip ang gobyerno, partikular ang Department of Agriculture (DA) sa problema ng African Swine Flu (ASF).

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi naman itinago ng DA ang mga natukoy na lugar na nagpositibo sa ASF at agad namang nagpatupad ng mga hakbang ang ahensiya para ito hindi kumalat sa ibang lugar. (Vick Aquino/Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy