Una sa Balita

₱15M halaga ng ‘kush farm’ sinalakay sa Subic, Briton at asawang Pinay dinampot

0 527

ARESTADO ang isang British national at live-in partner nito makaraang salakayin ng pulisya ang inuupahang bahay ng mga ito sa isang eklusibong subdibisyon kung saan nasamsam ang tinatayang 70 paso ng high grade na marijuana o kush kahapon nang madaling-araw sa Subic, Zambales.

Ayon kay Sr. Supt. Felix Verbo, Zambales Police Provincial Director, aabot sa P15 milyon ang halaga ng nasamsam na iligal na droga sa magka-live in partner na sina Stuart Maclaren Watson, 42, isang British national, at kinakasama nitong si Rizza Fernandez, 28, matapos lusubin ng awtoridad ang inu­upahan nilang bahay sa Magdalena Homes Subd. sa Barangay San Isidro sa Subic, Zambales kahapon nang madaling-araw.

Napag-alaman kay Verbo, matapos ang halos isang buwang surveillance operation ay sinalakay ng pulisya at mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 3 ang bahay ng mga suspek at doon ay natuklasan ang halos 70 paso ng tanim na marijuana sa dalawang kuwarto.

Base pa sa impormasyon ng awtoridad, impor­ted ang mga nasabing marijuana na mula pa sa Afghanistan, Pakistan at India at itinatanim ito ng mga suspek at kapag handa nang i-harvest ay kanila din itong ibinibenta sa mga kaibigang foreigner.

Depensa naman ni Watson, hindi umano niya ibi­nibenta ang mga nasabing kush kundi ipinanggagamot lang umano niya ito sa kanyang sakit na hika.

Hindi naman pinaniwalaan ng pulisya ang alibi ng mga suspek kaya idiniretso ang mga ito sa selda at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso. (Edwin Balasa/Randy Datu)