Una sa Balita

₱14.3M marijuana sinunog sa Danao City

0 225

Umabot sa tinatayang P14.3 milyong halaga ng marijuana ang binunot at sinunog ng awtoridad sa dalawang magkahiwalay na plantasyon sa Danao City, Cebu Martes nang umaga na ikinaaresto rin ng anim na suspek.

Nagsagawa ng operasyon ang Danao City Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Central Visayas sa dalawang plantasyon ng marijuana sa nabatid na lungsod.

Unang sinalakay ng awtoridad ang may 500 metro kuwadradong plantasyon ng marijuana sa Barangay Licos dakong alas-7:30 nang umaga kung saan binunot nila ang mga full grown marijuana na nagkakahalaga ng P4.1 milyon at 4,000 seedling na may halagang P160,000.

Arestado dito ang apat na magsasaka na sinasabing nagsu-supply ng mga iligal na damo sa mga kostumer na karamihan ay taga-Maynila. Kinilala ang mga ito na sina Benjie Salde Depositario 34; Inocentes Juntilla Depositario 59; Berting Salde Depositario, 27; at Melvin Salde Depositario, 30.

Nasamsam din sa mga ito ang isang kalibre 45 baril at mga bala.

Isinunod namang salakayin ng awtoridad ang mas malaking plantasyon ng marijuana sa Brgy. Langosig alas-nuwebe nang umaga kung saan binunot nila ang tinatayang 25,000 full grown marijuana plants na may halagang P10 milyon.

Dalawang magkapatid na suspek ang kalaboso na kinilalang sina Jay Basalo Acidillo at Jhosar Basalo Acidillo, parehong nasa drug watch list ng mga awtoridad. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy