Una sa Balita

“Hindi kami butcher!”

By
0 167

Naglabas ng hinanakit si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa sa mga natatanggap na kritisismo sa kanilang kampanya laban sa ilegal na droga.

Sa muli niyang pagharap sa Senate committee on justice and human rights na siyang nagsasagawa ng imbestigasyon sa serye ng extrajudicial killings at summary executions sa bansa, sinabi ni Dela Rosa na tao lang sila na nasasaktan din.

Sinabi ito ni Dela Rosa matapos kalikutin ni Sen. Gregorio Honasan ang pahayag ng heneral noong Lunes ng gabi na “pagod na pagod” na sila sa kampanya laban sa ilegal na droga at sana’y utusan na sila ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil na ito.

“`Yun ba’y dala lang ng gutom dahil tanghali na, talagang napapagod ka na? Hindi buo ang loob ninyo?” tanong ni Honasan.

“Kami po your honor ay tao lang, nasasaktan din kami,” wika ni Dela Rosa dahil sa binubuwis na raw ng mga pulis ang kanilang buhay ay nababatikos pa sila at nakakasuhan.

“Inaamin namin na nagkakamali din kami, hindi kami perpekto. Ina­amin namin na nagkakamali din kami,” anang opisyal.

Aniya, nawawala lang ang sama ng loob nila kapag pumupunta sa mga barangay at nakakadaupang-palad ang mga taong nagpapasalamat sa kanilang kampanya laban sa ilegal na droga dahil nababawasan ang mga pusher at adik sa kanilang lugar.

“Pag ako’y pumunta sa barangay ramdam na ramdam ko po ‘yung taumbayan na lalapit sa akin hahawakan ‘yung kamay ko mahigpit ‘yung hawak ng kamay maramdaman mo ‘yung panginginig ng kanilang kalamnan at tulo ‘yung luha at sabi sa amin ‘Sir, salamat po sa ginagawa n’yo’,” paglalahad ni Dela Rosa.

“Kaya ramdam na ramdam ko ‘yung tuwa ng taumbayan sa ginagawa namin pero bakit may ibang sektor na pinapalabas na kami ang masama, ‘yan po ang sama ng loob namin. Hindi po kami mamamatay-tao… hindi po kami butcher na pinapatay ang mga tao na walang karasun-rason,” diin ng PNP chief.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More