Una sa Balita

“AKO ANG BABAE SA SEX VIDEO!”

By ,
0 138

Ilang oras bago mananghali, nagsimulang pumutok at mag-trend sa social media sites kahapon ang ganitong post ng mga netizens, “I would like to testify in Congress/HOR. It was me in the sex video. #Everywoman”

Noong una ay pawang kababaihan lamang ang nagpo-post ng ganitong mga kataga sa kanilang Twitter at Facebook account hanggang sa ma­ging ang mga lalaki ay nagsipag-post na rin bilang suporta sa laban ng kababaihan.

Layunin ng simbolikong pag-ako sa sex video ng mga ordinaryong babae ay upang ipakita ang kanilang pagtutol sa video showing na binalak umano ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Sa kumalat na kalatas, nakasulat sa ibabang bahagi ang mga katagang “Say no to shaming women”.

Ang sex video ay ikinakabit kay Sen. Leila de Lima ni dili iba’t Pangulong Rodrigo Duterte at pinagtalunan pa umano kung ipapalabas sa Kamara bilang bahagi ng imbestigasyon sa diumano’y drug link ng senadora.

Nauna nang kinondena ng mga babaeng senador na ang karamihan ay hindi kapartido ni De Lima ang pagpapalutang sa sex video sa pagsasabing “below the belt” na ito at walang kinalaman sa isyu ng illegal drugs na ikinakabit sa senadora.

Giit pa ng mga lady solons, hindi kailangang si De Lima ang nasa sitwasyon dahil kahit kaninong babae ito gawin ay hindi ito magiging katanggap-tanggap.

Kahapon ay umariba rin ang isang signature campaign sa hanay ng mga babaeng mambabatas sa Kamara upang tutulan ang video showing.

Habang isinusulat ang balitang ito ay umaabot na sa 30 sa 82 congresswomen ang lumagda sa petisyon na pumipigil sa pagpapalabas sa umano’y sex video ni De Lima.

“Cross party-line ito. Member ka man ng majority o minority  it doesn’t matter.

Nagkakaisa kaming lahat dito na huwag itong ipalabas,” pahayag ni Dinagat Island Rep. Arlene ‘Kaka’ Bag-ao.

Kasama ni Bag-ao sina Batanes Rep. Henedina Abad at North Cotabato Rep. Nancy Catamco sa mga nagpapapirma sa petisyon na isusumite umano ng mga ito kay House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez.

“Usapin kasi ito ng kababaihan at bilang babae hindi namin papayagan ang mga ganyan dito. Sinuman ang nasa video, dapat igalang ang dignidad niya bilang babae,” ani Catamco.

 Target ng tatlo na mapapirma ang lahat ng 82 lady legislators na mi­yembro ng 17th Congress.

Ang Makabayan Bloc ay sumulat na rin kay Alvarez para pigilan ang pagpapalabas ng sex video.

“In this connection, we formally express our disagreement on the proposal to present before the Committee on Justice the purported sex video of Sen. Leila de Lima for purposes of establishing links between the drug trade and the senator. We strongly believe that the same is unnecessary and against existing laws and public policy,” nilalaman ng sulat ng Makabayan bloc sa Kamara kay Alvarez, ayon kay Gabriela partylist Rep. Emmi de Jesus na miyembro ng grupo.

Pero tila hindi na kakailanganin ang signature campaign at ang sulat dahil mismong si Alvarez ay nag-deny na iniutos niya ang video showing.

“Hindi po ako mi­yembro ng komite at ayaw kong pakialaman ang ginawang imbestigasyon ng House committee on justice. Ang sinabi ko lang, okay sa akin kung gusto nilang panoorin during their hearing ‘yung ‘sex video’, wala akong nakikitang masama doon, pero hindi ko sila binibigyan ng order para gawin ‘yon,” paliwanag ni Alvarez.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy