‘Wag pikon sa EU — Rep. Baguilat

By

Nakiusap ang isang mambabatas kay Pangulong Rodrigo Duterte na ‘wag pikon o ‘wag maging ‘balat sibuyas’ sa puna ng European Union (EU).

Katwiran ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat, malaki ang mawawala sa bansa dahil sa tila pagkapikon ni Pangulong Duterte sa pagpuna ng EU sa war on drugs, kaya tinabla ang alok nilang P13.8 Billion grants sa Pilipinas.

Paliwanag ng mambabatas, hindi tamang isakripisyo ng pamahalaan ang malaking grants dahil lamang sa negatibong puna ng EU sa Duterte government.

“Wag tagong maging balat sibuyas, ang ganitong kritisismo ay hindi dapat agad ituring na pangingialam sa bansa,” ani Baguilat.

Hindi lamang ang grants aniya ang mawawala sa Pilipinas kung makikipagmatigasan ito sa EU, kundi maaari ring mawala ang export na nasa P901 million at ang malaking donasyon ng EU sa Mindanao Trust Fund.

Sinabi pa ni Baguilat na kailangang magbigay ng maayos na paliwanag ang gobyerno sa naging hakbang nito dahil posibleng humantong sa fallout ng relashon ng EU at Pilipinas ang naging hakbang ni Duterte.

“Sana ay irekonsidera ng pamahalaan ang pagtanggi sa EU grants dahil marami ang maapektuhan nito na hindi naman kayang palitan ng gobyerno,” pagtatapos ni Baguilat.

SHARE