US$18B loan ni Duterte sa Japan at China, hindi panlubog sa utang ayon sa DBM

By

Tiniyak ni Budget Secretary Benjamin Diokno na hindi malulubog sa utang ang Pilipinas sa pangungutang ni Pangulong Rodrigo Duterte ng tinatayang US$18 bilyong halaga sa China at Japan para pondohan ang “Build, Build, Build” program ng gobyerno.

“Ang golden rule diyan is if the return of investment is higher than the cost of borrowing, go na ‘yan. Hindi na pinag-iisipan ‘yan,” wika ni Diokno na nagsabi pang hindi dapat katakutan ang pag-utang ng gobyerno.

Ipinaliwanag pa ng kalihim na gagamitin ang loan sa mga proyektong makapagbibigay ng kita sa gobyerno kung kayat nakatitiyak na iikot lamang ang pera at nasa tatlo hanggang limang porsiyento lamang ang babayarang interes.

“Kung ‘yung pera ay gagamitin mo lang pampataas ng suweldo, hindi talaga tama yun. Pero if you are going to use the money to invest in a project that would pay for itself, malaking bagay yun,” ani Diokno sa panayam ng DzMM.

“Dapat maingat lang tayo kung saan natin ilalagay… We will be prudent sa pagsingil namin. We will make sure the funds will pay for itself,” dagdag pa niya.

Ang “Build,Build,Build” o “BBB program” ay isang ambisyosong infrastructure development plan ng Duterte administration na nangangailangan ng P8 Trillion upang maisakatuparan.

SHARE