ULAN NG PAGPAPALA: Sayang na pagkakataon

By
77

“Ang katalinuhan ng isang tao’y nakikita sa kanyang gawa, sa kilos ay nakikilala ang taong walang unawa.” (Kawikaan 13:16)

Nakakalungkot isipin pero kita mong kahit hawak natin ang ating mga kopya ng Bibliya at mahal naman natin ang Panginoong Jesus, talagang nagkakamali pa rin tayo. Nakakasakit pa rin tayo ng damdamin ng ibang tao. Kailangan pa rin natin ang payo ng mga kapatiran upang makita natin ‘yung mga areas sa buhay natin na kailangang ma-improve.

Ngayong araw ay dalawang ehemplo ang babanggitin natin. Isa, tungkol sa maysakit. ‘Yung kabila, tungkol sa namatayan.

Isang mabait at tapat na mananampalataya kay Jesus ang matagal nang naglilingkod sa Kanya. Sa buong panahon ng paglilingkod niyang iyon, bagama’t mahirap, ay hindi siya pinabayaan ng Panginoon. Naroong nagkaroon siya ng matinding sakit sa bato.

Matagal siyang na-ospital at nag-alala ang maraming mga kapatiran sa kanyang kalagayan. Pero sa lakas at tulong ng Panginoon ay gumaling siya sa sakit na iyon at pagkatapos ng panahon ng pamamahinga ay nakapagpatuloy sa pagsisilbi.

Pero hindi siya nilubayan ng mga sakit. Ang sumunod namang nangyari ay atake sa puso. Nagkaroon siya ng stroke, at muli, sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu ay gumaling siya. Nagpatuloy muli sa paglilingkod.

Ang susunod namang nangyari, disgrasya! Naaksidente siya, nabagok ang ulo, muntik mamatay. At sa awa ng Diyos, gumagaling na siya ngayon mula sa pagkakahulog na iyon.

Would you believe, may mga Kristiyanong kagulat-gulat? Bakit? Kasi, imbes na palakasin ang loob ng kapatid na ito at i-encourage, parang kinukutya pa sa ‘kakulangan’ niya ng pananampalataya.

“Dapat i-claim lagi ang healing. Na-o-offend ang Panginoon kapag hindi mo i-declare na pagagalingin ka niya.”

“Siguro, may kulang sa pananampalataya mo. Palakasin mo ‘yung faith mo para pagalingin ng Panginoon.”


At kung anu-ano pang mga espirituwal na ‘payo’ na imbes na makatulong sa maysakit ay lalong nakakadismaya! Hindi ba puwedeng magpahayag ang isang anak ng Diyos na nasasaktan siya at nahihirapan sa hapis na dinadaanan?

Walang ipinagkaiba sa ilang mga sitwasyong madalas na nangyayari sa mga punerarya. Namatayan ang Kristiyanong kaibigan. Iyak siya nang iyak dahil nasasaktan sa pagpanaw ng mahal sa buhay. Enter si tagapayo:

“Sister, hindi ka dapat umiyak! Alam mong mananampalataya na si Mister kaya nasa heaven na siya at nagagalak kasama ng Panginoon. Kaya dapat magalak ka! Ipakita mo ‘yung joy of the Holy Spirit! Magandang patotoo iyan sa mga ‘di-mananampalatayang darating sa lamay.

Makakapag-share tayo ng Salita ng Diyos.”

Hello. Napaka-insensitive po ng ganu’n. Huwag nating gagawin. Makidalamhati po tayo, huwag mag-preach nang alanganin.

Ang tunay na ebidensiya ng pagiging mga ligtas natin sa ngalan ng Panginoon ay ang PAG-IBIG. Hindi lang sa salita, kundi sa gawa. Kung hindi dama ng ibang tao ang sinseridad natin sa pagdamay sa kanilang pinagdaraanan, hindi nila pakikinggan ang mga ‘sermon’ natin.

Sayang ang pagkakataon.

Kapatid na Kristiyano, isang paalala ito ng Panginoong Jesus sa atin. Minsan, sa sobrang paghahangad nating maging ‘tunog-espirituwal’ ay nakakasakit tayo ng kalooban ng ibang tao. Ang mga magkakapatid kay Cristo ay dapat na maging sinsero sa pagtutulungan at pagpapalakasan ng loob.

Ang ating tunay na pagiging mga anak ng Diyos ay makikita sa pag-iibigan natin sa isa’t isa.
Pag-isipan natin ito nang mabuti. Shalom and God bless!

***

(zayithhebron.wordpress.com)


SHARE