TAGAMASID: Hindi na bago

By
514

Umuulan ng fine sa PBA dahil sa mga sina­sabi ng mga manlalaro at maging mga coach tungkol sa officiating sa liga.

Kamakailan lang, napatawan ng fine na P20,000 si TNT coach Nash Racela at maging ang kanyang manlalaro na si Larry Fonacier.

Napatawan din ng fine sina Allein Maliksi at Marc Pingris ng Star dahil sa mga paratang nila tungkol sa officiating. Hindi nga lang sinabi ng PBA kung magkano ang fine ng dalawa.

Alam ng lahat kung bakit na-fine si ­Maliksi. Ito’y dahil sa kanyang ginawang gesture na parang may “nagluluto” sa laro. Ito’y kanyang ginawa noong Game 4 ng laban nila sa Ginebra kung saan nanalo ang Gins.

Ayon kay PBA Commissioner Chito Narvasa, kinausap din niya si Star team manager Alvin Patrimonio at coach Chito Victolero pero hindi ma­linaw kung napatawan din ng fine ang dalawa.

Ipinapakita ng mga fines at mga ginagawa ng mga manlalaro at coaches na talagang dikdikan ang mga koponan sa semifinals ng PBA Philippine Cup. Walang gustong magpatalo, lahat ay gustong  maging parehas ang tawagan, lahat ay galit kung sa tingin nila ay nabibigyan ng “tulong” ang kalaban.

Hindi na bago ito sa liga at maging sa NBA at iba pang mga liga sa buong mundo. ­Laging nagkakaroon ng ­akusasyon ng “lutong macaw” kapag ma­tindi ang labanan, kapag parehas na parehas ang laban at matindi ang kagustuhan ng mga bawat koponan na manalo.

Pero hindi ito puwede sa PBA at lalo na kay Narvasa. Ayaw niyang isipin ng mga tao na may pinapaboran ang mga re­feree, na kaya ­nananalo ang isang koponan ay mayroong “outside help.”

“But there’s always one party in particular that puts a twist to what they say in putting the PBA in a bad light, okay?” ani Narvasa.

Sa Game 5 sa pagitan ng San Miguel Beer at TNT noong Huwebes ng gabi, sa tingin ko ay naging parehas ang tawagan ng mga referee. Pinabayaan nilang maglaro ang mga ­player at habang sinusulat ito ay wala pa akong nariri­nig na reklamo tungkol sa officiating.


Pero sa mga ­susunod kayang laro ay maging parehas ang tawagan? Harinawa.

Dahil kung mayroong papaboran ang mga referee, mawawala ang ­ganda ng laro, mawawala ang intensity ng mga manlalaro, magkakaroon ng frustration at maging ang mga fans ay uuwing naniniwalang kaya ­nanalo ang ­kanilang koponan ay ­dahil nakatanggap ito ng ­tulong.

Na hindi maganda para sa PBA.


SHARE