TAGAMASID: Ano ang susunod?

By

Ipinakita ng Gilas Pilipinas kung gaano ito kaangat sa laban sa basketball sa Southeast Asia nang bugbugin ang Indonesia sa championship ng SEABA tournament noong Huwebes sa iskor na 97-64.

Nakita sa nasabing laban kung gaano kalayo ang Pilipinas, kung basketball ang pag-uusapan, sa mga koponan sa Southeast Asia na ang talagang laro ay soccer o football.

Pero nakita rin sa nasabing torneo na pinipilit ng mga kalapit nating bansa na maayos ang kanilang basketball program at mabigyan ng magandang laban ang Pilipinas.

Parang Philippine Azkals lang na ginagawa ang lahat para mabigyan ng mas magadang laban ang Indonesia, Malaysia, Thailand, Myanmar, Laos, at Singapore sa larangan ng football.

Ang tanong ay kung hanggang kailan mananatiling angat sa laban ang Pilipinas sa basketball.

Ang sagot ay ibinigay ng coach ng Thailand na si Tim Lewis, isang dating coach sa NBA D-League na hawak ang Thai national team noon pang isang taon.

Nagpunta si Lewis sa Pilipinas noong Oktubre at pinanood ang mga laban sa PBA. Nakita niya kung gaano ka-fanatic ang Pilipino sa basketball maski na kulang tayo sa height at walang pag-asang talunin ang mga bansang puro higante ang mga manlalaro.

“I know the level of basketball here, you know it’s a religion here, people live and breathe it,” ani Lewis. “There’s a long way for Southeast Asian countries to go.”

Tuwang-tuwa siyempre ang mga fans na nagpunta sa Big Dome dahil sa panalo ng Gilas Pilipinas.

Dahil sa panalong ‘yun, lalaro ang Gilas sa FIBA Asia Cup sa Agosto 10-20 sa Lebanon, kung saan mapapasabak na naman tayo sa mga kalabang matitindi katulad ng Tsina, South Korea, Japan, Taiwan, at iba pang bansa mula naman sa Middle East.


Noong 2015, pumasok tayo sa finals ng FIBA Asia Cup pero natalo tayo sa Tsina. Hindi rin tayo nakapagtala maski isang panalo sa ginawang Olympic qualifying tournament sa bansa noong nakaraang taon laban sa France at New Zealand.

Makakabawi kaya tayo sa FIBA Asia Cup?

SHARE